MJ Rafal, Tondo, Manila Nagkamalay at naninirahan sa Tundo, Maynila, nagtapos si MJ Rafal ng AB History at MA Filipino sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) kung saan din siya nagtuturo ng mga asignaturang Filipino, Panitikan, at Malikhaing Pagsulat. Nailathala na sa iba’t ibang mga antolohiya at publikasyon ang kanyang mga tula, kuwento, sanaysay, pananaliksik, at mga salin; nagawaran na rin ang mga ito ng mga pagkilala mula sa Komisyon ng Wikang Filipino, Maningning Miclat Art Foundation, Inc., Sentro ng Wikang Filipino – Unibersidad ng Pilipinas, Propesyunal na Asosasyon ng mga Tagapagtaguyod ng Salin, at Ateneo Art Awards: Purita Kalaw-Ledesma Prizes in Art Criticism. Siya ang kasalukuyang punong patnugot ng Entrada, ang pangunahing pampanitikang dyornal ng PUP. Nanunungkulan din siya ngayon bilang NCR Representative para sa National Committee on Literary Arts ng National Commission for Culture and the Arts para sa taong 2026 hanggang 2028 habang binubuno ang programang PhD Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Kasapi siya ng Concerned Artists of the Philippines at KM64 Writer’s Collective.



Ikaw Na Hindi Ko Na Matulaan Nang Hindi Isinasama Ang Dalawang Bata Sa Ating Pagitan


Issue No.12
nang maintindihan ko ang pag-ibig
dalawa na ang bulinggit sa ating sahig:
nagsasalansan ng Jengga ang isa
nanonood ng Garfield ang ikalawa,
nagkalat ang mga laruan na kasinggulo
ng mga pagpili natin ng iuulam.
ibig bang sabihin, hindi ko naunawa
ang nasa pagitan nating dalawa
noong itinatakas natin ang sarili
sa piitan ng mga tama at mali?
hindi ko na malalaman.
dahil ngayon ko lamang naintindihan
itong okay-lang-naman-
kung-hindi-ko-maintindihan.
tutal, nilaspag na natin ang mga dahilan
at katwiran upang panindigan
na namasyal lang tayo noon sa kung saan
at hindi lumampas sa hangganan.
nakakamiss rin palang mag-umagahan
na may taklob ng plastik ang plato
matapos nating palipasin ang madaling-
araw at iniintindi ang kuweba ni Plato:
may pipino at kamatis sa gilid ng páta,
3-in-1 ang kape sa pingas na tasa.
ngayong gabi, sa pagkakahiga at patâ
ang mga katawan, magsasalubong
ang ating mga mata at dalawang bata
ang dagat na tatawirin ng ating mga kamay
bago ang palad-sa-palad na tiim
sa dilim—wala nang espasyo ang romansa:
nakasuso ang bunso sa ina,
nakarehas sa dantay ng panganay ang ama.
matutulog tayo nang mahimbing.
sa garalgal na hininga ng elektrikpan,
paulit-ulit kong maiintindihan,
sa iyong piling, ito ang aking hilik
at, ewan sa iyo, kahit walang halik, basta sa akin
ikaw at ikaw at ikaw ang aking hiling