Sinaunang Torso ni Apollo
Hindi natin makikilala ang maalamat niyang ulo,
ang mga mata niyang bungang humihinog.
Subalit ang katawan niya’y kandelabra pa ring
nagliliwanag, na ang titig ma’y sumutlam
patuloy pa rin ang tanglaw. Sapagkat kung hindi,
hindi masisilaw sa kaniyang dibdib, o sa bahagyang
paggiya ng tagiliran niya, walang ngiting tutungo
sa pinakagitna ng kaniyang nakapagbibinhi.
Kung hindi, pawang bato itong nawala sa hubog,
sa ilalim ng langat na bagsak ng mga balikat,
hindi kikinang tulad ng balahibong ilahas;
at hindi lalagablab sa bawat hangganan nito,
wari bituing sasabog: sapagkat dito, walang sulok
na di-nakatingin sa iyo. Baguhin mo ang buhay mo.
[Binubulungan tayo ng Diyos, bago likhain]
Binubulungan tayo ng Diyos, bago likhain
at tahimik na palakarin sa gabi.
Ang mga salita, bago ang bawat simula,
itong malalamlam na salita:
Isinugo sampu ng iyong pandama,
sundan mo ang dulo ng iyong pangungulila;
ako’y saplutan.
Sa likod ng mga bagay, umaalab ang apoy
kaya’t anino nila, sa pagkakaladlad,
lumalambong sa akin, palagi’t ganap.
Hayaang lahat mangyari sa iyo: ganda’t kilabot.
Humayo: walang damdamin ang nalalayo.
Huwag akong hayaang mawalay sa iyo.
Nalalapit ang lupaing
Buhay kung nila’y tawagin.
Makikilala mo ito
sa katapatang angkin.
Iabot mo ang palad mo sa akin.
Gabi
Marahang nagbabagong-bihis ang gabi,
ang laylayan hawak ng matatandang puno;
nakatingin ka: at mula sa iyo, nahahati
ang lupain, isa pailanlang at isa pabulusok;
at naiiwan ka, hindi nabibilang kaninuman,
hindi kasindilim ng isang bahay na tahimik,
hindi tiyak na pumupukaw sa walang-hanggan,
tulad noong nagiging tala’t sumisikat sa gabi—
at iniiwan ka (hindi mawawaang makalas)
sa iyong buhay, balisa’t dambuhala’t humihinog,
kung kaya, minsa’y takda’t minsa’y nauunawa,
nagsasalitan, sa iyong loob, bituin at bato.
*
Tala sa salin
Noong nakaraang taon, dalawang araw bago ang kaarawan ko, dahil na rin sa lumbay na dinadala (bakit ba ako malalim kung makaramdam, sino ang may pananagutan sa sarili kong nararamdaman, atbp.), naalimpungatan ako bago sumikat ang araw, at habang nakatayo sa dilim, umaalingawngaw sa utak ko ang kalahating taludtod ni Rilke sa Ingles, na, kinalaunang malalaman ko, isinalin ni Joanna Macy: “No feeling is final.” Ilang buwan pa ang lumipas, binalikan ko ang parehong tula ni Rilke, sa pagkakataong ito sa Aleman, para maunawaan ang ibig niyang sabihin tungkol sa pagiging hindi pangwakas ng mga nararamdaman. Sa panahon ding iyon, nagsimula akong tangkain, gaanuman karahan, na isalin ang mga tula ni Rilke, ang ilan sa pinakapaborito ko, sa Filipino, sa pamamagitan ng kakarampot na Alemang natutunan ko sa pamantasan at paghahambing sa mga matatagpuang salin ng mga ito sa Ingles.
Ang tatlong saling tula na ito ay ilan sa mga una kong tangkang maisalin si Rilke sa Filipino. Bukod sa pag-uulit ng ilang imahen, tulad ng bato (Stein), laylayan/dulo (Rand), at saplot (Gewand), may magkakatulad na pagtataya ang mga ito hinggil sa pagkabingit ng bagay-bagay—ang parehong pakiramdam, masasabi ko na ngayon, nang may higit na kalinawan, na naramdaman ko sa panahong unang dinalaw ako ng tula ni Rilke isang madaling-araw.
*
Ang tulang “Archaïscher Torso Appolos” (Sinaunang Torso ni Apollo) ay inilimbag sa Der Neuen Gedichte Anderer Teil (1908); ang “[Gott spricht zu jedem nur, eh er ihn macht]” (Binubulungan tayo ng Diyos, bago likhain), sa Das Stunden-Buch (1905); habang ang “Abend” (Gabi) naman ay sa Das Buch Der Bilder (1902).
Si Rainer Maria Rilke (1875-1926) ay isang Austrianong makata, kilala sa kaniyang mapagmuning liriko sa wikang Aleman. Isa rin siya sa itinuturing na inspirasyon ng Panulaang Bagay na pinasimulan nina Rolando Tinio at iba pang makata noong dekada ’60 sa Pamantasang Ateneo de Manila.