nang maintindihan ko ang pag-ibig dalawa na ang bulinggit sa ating sahig: nagsasalansan ng Jengga ang isa nanonood ng Garfield ang ikalawa, nagkalat ang mga laruan na kasinggulo ng mga pagpili natin ng iuulam. ibig bang sabihin, hindi ko naunawa ang nasa pagitan nating dalawa noong itinatakas natin ang sarili sa piitan ng mga tama at mali? hindi ko na malalaman. dahil ngayon ko lamang naintindihan itong okay-lang-naman- kung-hindi-ko-maintindihan. tutal, nilaspag na natin ang mga dahilan at katwiran upang panindigan na namasyal lang tayo noon sa kung saan at hindi lumampas sa hangganan. nakakamiss rin palang mag-umagahan na may taklob ng plastik ang plato matapos nating palipasin ang madaling- araw at iniintindi ang kuweba ni Plato: may pipino at kamatis sa gilid ng páta, 3-in-1 ang kape sa pingas na tasa. ngayong gabi, sa pagkakahiga at patâ ang mga katawan, magsasalubong ang ating mga mata at dalawang bata ang dagat na tatawirin ng ating mga kamay bago ang palad-sa-palad na tiim sa dilim—wala nang espasyo ang romansa: nakasuso ang bunso sa ina, nakarehas sa dantay ng panganay ang ama. matutulog tayo nang mahimbing. sa garalgal na hininga ng elektrikpan, paulit-ulit kong maiintindihan, sa iyong piling, ito ang aking hilik at, ewan sa iyo, kahit walang halik, basta sa akin ikaw at ikaw at ikaw ang aking hiling