Car Cleaner
sa kalakhang Maynila
Ang sabi ng kapwa ko Bisaya na drayber ng Grab,
Kailangan mong magbigay ng kahit anong madukot na barya
Kapag nalinisan na nila ang windshield ng sasakyan.
Walang pinipiling edad ang feather duster:
Bata, dalaga, nanay na may kargang musmos, at kahit matanda.
Kesa gumastos ka ng libo-libo sa salamin o car door
Na hahampasin nila ng kung anong matigas na bagay
Kung hindi ka magbibigay ng kahit magkano.
Mabilis silang tumakbo at makipagpatintero sa mga sasakyan.
Hindi mo maiiwan ang kotse sa kahabaan ng trapik.
Pantawid gutom nilang tumawid sa mga kalsada at maglinis,
Pero sabi mo, mas mainam na ang ganoon kesa manlimos.
Ang importante, wala ka nang nakikitang pamilyar na mukha tuwing trapik.
Walang pinagkaiba ang bihis ng bituka ng Maynila sa mga nagdaang panahon,
Nagkatalo lang sa tinahak na daan at pagkakataon:
May ibang lumalanghap pa rin ng usok,
Ang iba’y lumalanghap na ng aircon.
Ang Dahilan ng Batang Maranao at Ilonggong Magkalaro sa Pagkapadpad sa Binondo
kasama si Dawn
sa batang Maranao
1. Galing kami sa pyesta sa Pangasinan
2. Tas naabutan kami ng lockdown
3. Umalis kasi kami noong 2017 sa Marawi
4. Sinabi sa amin pagkatapos ng paglift-up ng travel ban,
may 1 million kami na makuha sa bahay at lupa namin
na nasira ng giyera sa ground zero
5. Kaya habang gahintay kami na makauwi, dito nalang kami
nagabenta ng iba-ibang gamit
6. Dito na rin ako naga-aral, pero babalik kami
sa batang Ilonggo
1. Halin man kami sa Iloilo pero nag-punta si Papa dito
2. Gisama niya ako
3. Kasi may kakita siya na babae
4. Akala ko magbakasyon lang ako dito
5. Pero dito na pala kami magtira
6. Wala na akong contact ni Mama ko sa Iloilo. Kaya
kapag makaipon ako ng pambili ng cellphone, hanapin ko
siya sa Facebook. Atsaka baka ginahanap niya na din ako.
Nahidlaw na man ko kay Mama ko
sa aking tanong
bakit mas malungkot ang mapadpad sa mga kuwento ng Maynila
kaysa masanay na gawing tahanan
ang mga lugar na sinanay kang manatili sa pangungulila?
Seaside
Tinanong mo ako habang nakaupo tayo sa kahabaan ng sementong barikadang
humihiwalay sa lupa at lagaslas ng mga hampas ng baybay, tanaw
ang sinaunang anito sa pusod ng dagat
na kapag sumasabog ang liwanag sa salamin ng langit
ay lantad ang kaniyang lawas sa atin.
“Kailan ka uuwi?”
Wala kang nakuhang sagot
sa pagbuo ng mga alon sa iyong noo
kundi bangka sa aking mga labi.
Ilang beses pa lang ako rito sa Maynila.
Ang pananatili ko ay parang yapak na sa bukas o makalawa,
mawawala’t lalayag nang muli ang aking kaluluwa
pauwi sa aking tahanan—sa Diangas
at hihintayin kita doon
sa aking mga yakap-
yakap na panaginip—
sa dulo ng dagat sa Silangan
Kung saan umaahon ang araw.