Kiko Caramat, Quezon City Nagpapatakbo si Kiko Caramat ng isang pet daycare sa Quezon City kasama ang kanyang partner. Nailathala o paparating ang kanyang mga akda sa Cordite Poetry Review, Likhaan: The Journal of Contemporary Philippine Literature, Philippine Daily Inquirer, at Quarterly Literary Review Singapore. Para sa kanyang mga tula, nakatanggap siya ng pagkilala mula sa Padya Leoncio P. Deriada para sa Panulatan, Gémino H. Abad Awards for Poetry and Literary Criticism, Premyong LIRA, at Alpine Foundation.



Dalawang tula


Issue No.12

Nomenclature

 
            Anong maaaring maibunyag ng akto ng pagpapangalan? Maraming pwedeng itawag sa maya
            (Passer montanus). Para sa akin, sinasabi nitong dito ako nabibilang habang ikaw ay nabibilang sa iba.
            Sa tayog ng lipad ng agila (Pithecophaga jefferyi), paano nito natutukoy ang pagkain sa hindi?
            Pinapangalanan natin ang mga hayop upang malaman kung sino sa atin ang kayang manakit.
            Mas kaayang-ayang iligtas ang nanganganib na maubos na usa (Rusa mariana) kaysa sa baboy
            ramo (Sus cebifrons). Sa pagpapangalan nalalaman natin ang kaya nating angkinin. Anong dahas
            ng ating taksonomiya. Anong kapangyarihan, kung gayon,
                                                                              ng siyensya ng pagpapangalan. Ipagpalagay natin
            sandali na ito’y isang rebolusyonaryong gawain. Sa pagpapangalan ko sa lobo (Canis lupus), akin
            na itong tinanggap bilang kasama. Pareho tayong nabubulabog sa putok ng kanyon. Kapwa
            tayo nangangarap para sa mas malawak na kagubatan. Sa ating pagmamalasakit, kasama (Homo
            sapiens), sinasama natin sa ating mga parangal ang lahat ng nakikilala nating ibon.
 
 

Pag-aaral sa Ekolohiya

            Some scientists now posit that plants should likewise 
            be considered intelligent. Plants have been found to 
            show sensitivity to sound, store information to be 
            accessed later, and communicate among their kind— 
            and even, in a sense, with particular animals.
            – The Atlantic, May 1, 2024
Ang pinitas na bayabas na nahinog sa bulsa ay nangangahulugan ng pag-ibig.

Ang isang bokelyang mirasol ay nangangahulugan ng pag-ibig.

Ang amoy ng bagong tabas na damo ay nangangahulugan ng pag-ibig.

Ang mahabang byahe patungo sa georeserve ay nangangahulugan ng pag-ibig.

Ang masaganang ani ay nangangahulugan ng pag-ibig.

Ang talahib na kasing taas ng tao ay nangangahulugan ng pag-ibig.

Ang hindi madaanang bangin ay nangangahulugan ng pag-ibig.

Ang lilim ng puno ng acacia ay nangangahulugan ng pag-ibig.

Ang algae na kasing lawak ng kontinente ay nangangahulugan ng pag-ibig.

Ang hinog na saging ay nangangahulugan ng pag-ibig.

Ang bawat dahon ng makahiya na tila nanghihinayang sa pagsara ay nangangahulugan ng pag-ibig.

Ang puno ng niyog ay nangangahulugan ng pag-ibig.

Anong paborito mong bulaklak? ay nangangahulugan ng pag-ibig.

Ang sahig na gawa sa kawayan ay nangangahulugan ng pag-ibig.

Ang ibon na nagtitipon ng maliliit na sanga para sa kanyang pugad ay nangangahulugan ng pag-ibig.

Ang pugad ay nangangahulugan ng pag-ibig.