John Dave Pacheco, Malungon, Probinsya ng Sarangani/Lungsod Heneral Santos Si John Dave B. Pacheco ay isang direktor, manunulat at manananghal-tula mula sa General Santos City. Isang Tagakaulo mula sa Malungon, Sarangani Province. Ang kaniyang mga gawang tula at sanaysay ay nailimbag sa Cotabato Literary Journal, International Human Rights Art Movement, Kalazine UP, Nagkahiusang Magsusulat sa Cagayan de Oro (NAGMAC) at iba pa. Dati siyang pangulo ng Samahan ng mga Mag-aaral sa AB Filipino (SABFIL), Departmento ng Filipino at editor-in-chief ng Pingkian, ang opisyal na publikasyon ng College of Social Sciences and Humanities sa Mindanao State University Lungsod Heneral Santos.



Tatlong tula


Issue No.11

Car Cleaner

sa kalakhang Maynila
Ang sabi ng kapwa ko Bisaya na drayber ng Grab,
Kailangan mong magbigay ng kahit anong madukot na barya
Kapag nalinisan na nila ang windshield ng sasakyan.
Walang pinipiling edad ang feather duster:
Bata, dalaga, nanay na may kargang musmos, at kahit matanda.
Kesa gumastos ka ng libo-libo sa salamin o car door
Na hahampasin nila ng kung anong matigas na bagay
Kung hindi ka magbibigay ng kahit magkano.
Mabilis silang tumakbo at makipagpatintero sa mga sasakyan.
Hindi mo maiiwan ang kotse sa kahabaan ng trapik.
Pantawid gutom nilang tumawid sa mga kalsada at maglinis,
Pero sabi mo, mas mainam na ang ganoon kesa manlimos.
Ang importante, wala ka nang nakikitang pamilyar na mukha tuwing trapik.
Walang pinagkaiba ang bihis ng bituka ng Maynila sa mga nagdaang panahon,
Nagkatalo lang sa tinahak na daan at pagkakataon:
May ibang lumalanghap pa rin ng usok,
Ang iba’y lumalanghap na ng aircon.
 
 

Ang Dahilan ng Batang Maranao at Ilonggong Magkalaro sa Pagkapadpad sa Binondo

kasama si Dawn
sa batang Maranao
1.         Galing kami sa pyesta sa Pangasinan
2.         Tas naabutan kami ng lockdown
3.         Umalis kasi kami noong 2017 sa Marawi
4.         Sinabi sa amin pagkatapos ng paglift-up ng travel ban, 
            may 1 million kami na makuha sa bahay at lupa namin 
            na nasira ng giyera sa ground zero
5.         Kaya habang gahintay kami na makauwi, dito nalang kami 
            nagabenta ng iba-ibang gamit
6.         Dito na rin ako naga-aral, pero babalik kami

sa batang Ilonggo
1.         Halin man kami sa Iloilo pero nag-punta si Papa dito
2.         Gisama niya ako
3.         Kasi may kakita siya na babae
4.         Akala ko magbakasyon lang ako dito
5.         Pero dito na pala kami magtira
6.         Wala na akong contact ni Mama ko sa Iloilo. Kaya 
            kapag makaipon ako ng pambili ng cellphone, hanapin ko
            siya sa Facebook. Atsaka baka ginahanap niya na din ako.
            Nahidlaw na man ko kay Mama ko

sa aking tanong
            bakit mas malungkot ang mapadpad sa mga kuwento ng Maynila
            kaysa masanay na gawing tahanan 
            ang mga lugar na sinanay kang manatili sa pangungulila?
 
 

Seaside

 
Tinanong mo ako habang nakaupo tayo sa kahabaan ng sementong barikadang
humihiwalay sa lupa at lagaslas ng mga hampas ng baybay, tanaw
ang sinaunang anito sa pusod ng dagat 
na kapag sumasabog ang liwanag sa salamin ng langit
ay lantad ang kaniyang lawas sa atin.
“Kailan ka uuwi?”
Wala kang nakuhang sagot
sa pagbuo ng mga alon sa iyong noo
kundi bangka sa aking mga labi.
Ilang beses pa lang ako rito sa Maynila.
Ang pananatili ko ay parang yapak na sa bukas o makalawa,
mawawala’t lalayag nang muli ang aking kaluluwa
pauwi sa aking tahanan—sa Diangas
at hihintayin kita doon
sa aking mga yakap-
yakap na panaginip—
sa dulo ng dagat sa Silangan
Kung saan umaahon ang araw.

Transistor


Issue No.3
Ang aking buhay: kanlungan sa kulungan.

Ang tainga ko ay nakaniig sa labi ng radyo.
Nakikinig sa hindi nagtitipid
na bunganga ng mga komentaristang
naghahatid ng mga ulo ng balita
sa sangmagdamagang takbo ng panahon
sa riles ng mga kagila-gilalas
na pangyayari ng lungsod. Ngunit sa isang tao
ako lubos nahumaling
sa radyong ito na nagsasapelikula 
ng mga paslit na inip 
at mga kirot ng guniguni. 

Pinagmamasdan ang mga katawang lupa ko
noon pa
na bahagi ng pagbangon at iba pang
mga naibulsang pagkamangha at paglaho,
sa pag-ibig, buhay, pakikibaka,
landasin na walang hihigit, sasapat.

Nang minsan ay hindi ko naiwasang kiligin
at napaso ang dila
sa bagong saing na mais
dahil sa pagpapalitan ng matatamis na linya ng magkasintahan
tuwing ala una y media
sa sinusubaybayan kong drama
kasabay ang huntahan ng mga kundiman
mula sa wayang ng paligid.
Doon ay sinasayaw ako sa isipan 
ng magkayakap na asawang nadako sa Cotabato.

Araw-araw kong pinagsisisihan ang pagpili
ng unang pag-ibig,
kaysa pangarap na landasin.

Sinuka ko lahat.

Ito marahil ay tawag
ng sariling silindro ng anino
sa pagsusunog ng sariling balat sa balat 
ng kinahihindikang pag-ibig.
Akala ko ay ganoon ang pag-ibig: niyebe
ang magpapayakap ng dalawang
nilalamig na puso ayon sa k-drama. Mali.
Lamig ang gagawa ng siwang sa puso.

Pag-ibig na tulad ng sanaysay
na sinasalaysay ang mga danas sa pagsulat
habang nandiyan ang kalungkutang nakasubaybay,
kung paano mo isinisulat gamit ang kutsilyo
ang mga kalungkutan sa iyong balat,
tagos sa kaluluwa,
walang hihigit, sasapat.

Hindi ko tarok kung nakalaya ba ako sa sumpa
sa ganitong tinatawag na pagdahop
sa pag-iisang dibdib ko sa sundalo. Alam kong
nagsusunog siya ng bangkay. Ngunit baka kaisa rin niya ako
sa sumpa ng kaniyang mga paa na nagsisilid ng kamay
ng mga nakikibaka sa hungkag na kahon at nagbubusal
ng mga tambol ng paglaban.

Akala ko ang pag-ibig sa isang alagad 
ay paghapon ng sarili sa katahimikan
ganoon pala ang isang pagpapahirap ng sarili 
sa putok at himutok ng ‘di mahagilap na panlilinlang. 

Mali ang akala ko: may wakas ang pag-ibig. 
Hindi lang sa sarili. Walang hihigit, sasapat. 

Hanggang dito na lamang.
Maraming salamat sa pagbasa ng aking kwento.

Lubos na gumagalang,
Delia