Mga Patay na Hayop
Sa aking ruta, ilang patay na hayop na
ang aking nadaanan: palaka, pusa,
kung aso man ay may katabing bubog
o buwal na puno o nakatirik na kandila
makailan pang hakbang. Saan sila
napupunta, silang walang muwang
sa kamatayan? Nakapinta ang dugo
sa kurbada. Ang maliliit na mga daliri
at bituka, ang katawan na mabibigo
maging ang kontorsyonista.
Kung makata siguro ang nakasagasa,
bababain niya at dadanasin ang sugat.
Ramdam niya ang lagutok ng mga buto,
ang pag-alagwa ng bituka katulad
ng mga gabing nilango siya ng alak
at wala pa ring maisulat. Ang bigat
ng gulong sa katawan sa bawat pag-usad.
Matutunghayan pagkatapos ang makata
sa mga liham at hardin ni Roethke
habang hinahanap ang sarili. Pagkatapos,
ang usisa: Saan sila napupunta?
Nakalatag ang putim-puting papel
sa makinilya. Nakahanda ang scalpel
sa utak bago simulan ang otopsiya:
Nasaan ka? Nasaan ka?
Myopia
Maagang-maaga, nagtimpla
ako ng kape pagkabangon.
Lango pa rin ako sa huling
panaginip. Hindi ko na maalala
ang mukha ng Tatay.
Ganito yata kapag
kailangang kumalimot.
Umusbong ang araw
sa aking tasa: maliwanag
ngunit di nakakasilaw,
wari’y aparisyon.
Humigop ako at nilamon ito.
Pakiramdam ko’y kakayanin ko
ang buong daigdig.