Kung paanong di kilala ang kabiyak at palaging nadarampot ang sa kalaro. Tatayain mo ang natitirang liwanag hanggang sa ikaw at ang dilim ang maghabulan. Makauuwi ang talampakang kaibigan ng lupa bilang estranghero sa sahig– ang pag-apak ay pag-iingat, ‘pagkat bawat bahagi mo’y maaaring magkasala: ang kamay ay makapananakit ng kasangkapan, ang mata’y makapagsisinungaling sa oras, ang mga paa, nagiging suwail. Mas madaling magasgasan sa loob kahit hindi magmadali. Gaanong pagdahan-dahan ang kailangan upang di madapa sa sigaw ni Itay? Hinagupit sa ‘yong balat ang tsinelas na di iyo, at umiiyak kang hinihusgahan ng kisame. Nakatulog ka sa paghikbi’t paggising mo’y naghilom na’ng gasgas nang masubsob ka sa labas, habang ang sugat na malayo raw sa bituka ngunit malapit naman sa ‘yong dibdib ay patuloy sa paghapdi— hanggang nilakihan na ng paa mo ang tsinelas.