Soc Delos Reyes, Quezon City Si Soc Delos Reyes ay isang guro at manunulat. Naging fellow siya para sa kaniyang mga dula at tula sa mga palihang pampanitikan gaya ng Palihang LIRA, UST National Writers’ Workshop, at Ricky Lee Scriptwriting Workshop. Napabilang ang kaniyang mga akda sa Heights, Tomás Literary Journal, at Virgin Labfest. Kasapi siya ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) at alumnus ng Tanghalang Ateneo.



Mga Palayaw ng mga Batang Pinaslang


Issue No.3
1.         Inaaral pa lang ng dila’t bibig 
            ang hugis ng “Mama” at “Papa”
2.         Pink na kapote 
            sa paanan ng retrato at altar
3.         Pangalang tinik sa lalamunan
4.         Di maburang krayola sa sahig
5.         Naghihintay ang santan
            ng mga daliring pipitas ng bulaklak
6.         Walang hanggang tagu-taguan
7.         Binurang pangalan sa class list
8.         Nagbabahay-bahayang mga magulang
9.         Tinuldukang parirala
10.       Nagkukulang ang mga kuwitis
            na maghahangad sa kalawakan
11.       Alipatong tinangay ng hangin 
12.       Maiiwang nag-iipon ng alikabok
            ang tinagong liham ng pag-amin
13.       Katitikim pa lang ng pakla ng beer
14.       Kapit-hinga sa unang halik
            at huling pagpikit
15.       Bagong sinagtala sa uniberso ng iilang saksi
16.       Kotilyong di na masasayaw 
17.       “Takbo.”
18.