RR Cagalingan, Lungsod Pasig Nakatira sa Lungsod Pasig si RR Cagalingan. Nagsusulat siya para sa Diwatáhan at naglilingkod sa pamahalaan. Kasapi siya ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) at The Makatàs.



Sa Pasig


Issue No.3
Inabutan ko ang libing ng anito. 
Nakasakay siya sa bangka, 
at pinanonood ng mga batang nakabisikleta.
Abuhing salamin ang tubig, 
nalalasahan ito samantalang 
malamlam na bughaw ang langit. 
Palayo nang palayo ang sinaunang diyos.
Palakas nang palakas ang mga ugong, 
dasal sa wikang nagwaglit, matanda.
Maya’t mayang sinasaniban ng ungol
ng nagdaraang jeep: love radio, love radio.