Inabutan ko ang libing ng anito. Nakasakay siya sa bangka, at pinanonood ng mga batang nakabisikleta. Abuhing salamin ang tubig, nalalasahan ito samantalang malamlam na bughaw ang langit. Palayo nang palayo ang sinaunang diyos. Palakas nang palakas ang mga ugong, dasal sa wikang nagwaglit, matanda. Maya’t mayang sinasaniban ng ungol ng nagdaraang jeep: love radio, love radio.