Paglikha ng Kuliglig
Walang sikada sa paligid ng Angat Water District. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, tuwing umaagos ang dilim, tinatangay ang hilik ng mga kuliglig palayo sa aking pandinig. Maaaring nariyan sila, sa pagi-pagitan ng mga semento, at lupa. Napipiping awit sa mekanikal na pagtugtog ng dambuhalang makina. Maaaring patay na sila, nakalibing sa buhos. Maaaring wala akong pandama para tukuyin ang kanilang pag-iral. Bukas ng umaga, tiyak, muling magngitngit ang mga kawayan, sanggol na ninakawan ng oyayi sa lalim ng gabi. At ako, tataluntunin ang pinagmumulan ng ugong na bumulabog sa mga nahihimbing kong malay. Batang sumisipol, pagtatangkang gaya ng hangin, ay kusang sagot ang tatangayin palapit sa akin, ngunit mataas ang kongkretong pader para maging malaya ang aking mga tanong. Wala pa akong nakikitang pumasok sa loob ng Angat Water District. Misteryong kahit si tatay, ay hindi mabitag ang maaaring itugon sa aking mga pagtataka.
Paglikha ng Kulisap
Sa awang ng pader, at bubong, nakaabang kami ni kuya sa pag-alis ng mga magsasaka. Walang klase. Hindi ko batid ang buwan. Ni hindi ko alam ang araw, at oras, Basta,
anihan.
Binubulabog ng gumagaralgal na traktora ang aming umaga. Nawawala ang palaruan. Hindi matandaan ang huling sulok kung saan nagtago. Nagsisitumbahan sa bawat wasiwas ng halabas ang mga pinagkatiwalaan kong puno ng mais. At unti-unting nakikitang kay lawak ng mundo.
“Maghimalay na,” sabi ni tatay.
Kamay. Tanging kamay. Sako. Sa katanghalian. Makati sa balat ang lumulundag-lundag na kulisap. Nakasalampak ako sa patay na katawan ng maisan. Bata sa nagmamadaling galaw ng mga kasama. Ang kuya, dinadampot ang mga bunga na hindi mawari kung bakit iniwan ng mga nauna. Binuksan ko ang isa, biniyak sa gitna,
kalahati lamang ang iniligay sa sisidlan.
Paglikha ng Ilahas
Sapagkat, walang mukha sa bayawak ang ganitong panganib sa kublihan. Hindi sinasadyang kaibigan ng dahas ng pagdakip ang pagkapayak; nakaumang na buhò, nagtitimping lakas sa pagitan ng tali, at sanga, walang babalang papitik sa bukana, at sangsáng ng lamanloob sa loob ng lalamunan ng bitag. Pagkatulak ng nguso, mababaliwala ang liksing likas sa kaniya. Ang pagpiglas ay lalong paghigpit, pagkabulabog ng iba pang maaaring búkas, sila naman. Kay dayang sa talas ng pakiramdam, namamanhid sila sa binubuksang landas ng bulok na karne. Kay dayang sa kinalakihang sukal, nasusukol silang tila bagong salta. Pagkapanlaw ni Tatay, hindi ko alam kung paano sila namamatay, kung sa sakal ng lubid o direktang taga ng itak? Nasa kanilang balat ang hilatsa ng gubat, dala-dala patungo sa aming sikmura ang ilahas ng likod-bahay.