Luluhod ka sa harap ng estatuwang marmol. Magbabalat ang mga labi. Dahan-dahan mong bitbit ang katawang pinagmasdan sa kahubdan at pagkabuo. Bubuuin mo ang templo ng kanilang mga sala. Mga matang walang pakundangan. Rituwal ng pagkanulo, magtitipak-tipak ang mga kuko. Ganito hinuhulma itong pagsamba: sa mga espasiyo ng lantarang pagkanulo, umaalingawngaw ang pagguho. Nais manatili, nais mamalagi nitong mga sandali— Sa sala, pinapaso ng mananahi ang mga tastas sa laylayan, pinakikinggan ang parada ng mga makasalanan. Walang nakaaalala sa santerong lumikha sa imaheng kaharap. Patuloy na kinakanta ang mga hymno ng paglimot, ang sagot ng siyudad sa ating pagkalimot. Para sa kanila, ang pagkalas ay siya ring pagkawala. Ano nga bang pinagkaiba ng pamahiin sa pananalig, ng penitensiya sa panata. Magkatumbas ang halaga ng katahimikan at mga salita. Hindi maaaring magsalit-salitan ang alinlangan at pag-aalay. Hagayhay na panakas—ikaý manonood, mahigpit ang kapit sa rosaryong alam ang kanilang lungkot. Silang ugnay sa ating mga pasakit: pilak, insenso, ginto, tanso. Puntod ng mga sinukuan. Bubuo tayo ng bagyo sa disyerto. Bibilangin ang ating mga marka sa kalendaryong hindi pa rin nauubusan ng mga araw. Itong pagkauhaw ng mga sinukuan. Ngunit ang umaga— ano ba’t senyales ng kawalan. Ihihimlay mo ang ang susunod katha sa alpombra at hihintayin ang panalangin sa panibagong umaga.