Papawakas ang buhay Ng palay na dating bulas, Naghihintay ang sanyutang daliri Sa gilid ng bilao, At napuksa na ng isang metrong panabas At galun-galong lason Ang nagtatayugang talahib. Sa aking alaala, Hudyat ng aking pagdating Ang nalalapit na pagkalipol. Ayon sa albularyo, Ako ay isang anyo ng bugtong: Butil ng munggo, Nang nangalipad, Aba, buwan ay nabulag! Paglaon, naging singpusok ako Ng di mabilang na makata: Tinangka at nagtagumpay akong agawin Ang nakaputong na korona Ng liwanag sa rabaw ng siyudad. Nagdiwang ang mga naupos Na posteng muhon ng aliw, libog, At sibilisasyon: makapagpapahinga Na sila, pansamantala. Pero batid kong di ko malulunasan Ang sumpa ng pagpapagal. Kailan pa naging bago Ang hinaing at dalangin sa bawat gabĂ Ng mga gaya ni Lourdes? Ang anak ng lupa Ay di gaya sa tulog Na mantika, o sa malamig At makintab na pilak. May panganib ang kataimtiman ng dilim: Sumasalubong at sumasagupa sa kaluluwa Ang hagupit ng umuusig na pighati. Hanggang kailan? Hanggang kailan?