Unawa
Kailangang intindihin kung bakit
hindi ko pa magawang palitan
ang natungkab na bubong
kahit matagal nang lumipas ang bagyo.
O bakit hanggang ngayon
ay sira ang seradura na winasak
ng magnanakaw isang gabi
na kaysarap ng aking pagtulog.
Kahit ako'y nagtatanong kung bakit
pingas pa rin ang tasang paborito
na timplahan ng kapeng walang pait.
Nasa lababo ang bubog ng baso
na may latay pa ng labi mo.
Kailangang intindihin kung bakit
dapat makisangkot sa usapin
na di lamang pampuso. Hindi man
dapat pagsawaan ang pag-ibig
ay kayhirap dalhin sa dibdib
ang ginagatungang ngitngit
ng araw-araw na pagpihit ng sandali
sa natitinikang hininga, at kayhirap
lunukin ang mga eksena ng buhay.
Hindi na ito usapin ng pangungulila.
May mga hindi nakasasanay na kwento.
Tungkab ang bubong, sira ang seradura,
pingas na tasa at basag na baso.
Hindi ako kumikilos. Hindi makakilos.
Sa pananatili ay may ayaw nang maulit.
Kung usapin man ito ng puso
O ng buhay ngayong kay ilap tumahimik,
susuko ang mga walang makakapitan,
lalong higit kung hindi mo ako naiintindihan.
Kalbaryo
1
Nakahiga na naman si Inay
At hirap bumangon, sa kirot
Na dala ng lamig, may init
At lunas sa paghagod sa binti,
Sa kulubot na kamay, sa balakang,
Ito lang ang magagawa.
2
Gusto kong isuka ang tula
Gaya ng gustong ilabas
Ang lahat ng nilamon ng bagong taon.
May langgam na ang kalamay,
May amoy na ang paksiw na pata,
Matigas na ang suman at biko,
Malamig na ang sinabawang sotanghon.
3
Takot akong takasan
ang mga eksena ng pagpapahid niya
Ng kung anu-anong ointment.
Kahit kumakapit sa sariling balat
Ang amoy ng katinko at salonpas,
Basta nakikita ko siya nang paulit-ulit.
4
Lahat ng pagkaing nilipasan,
Sa isip lamang ang pagtanggi.
Katulad ng tula ay walang pagkapanis
Sa tulad kong gutom sa nakahain -
Pagkain, salita, pang-unawa.
5
Nakahiga na naman si Inay.
Naluluma na ang hain sa hapag.
Nagsasawa sa tula.
Nananatili akong anak.
Nananatili akong gutom.
Mananatili akong makata.