Dorothy Parungao, City of San Fernando, Pampanga Kinalakhan ni Dor ang mga kuwento ng pagbaba ni Sinukwan mula sa Bundok Arayat. Hanggang ngayon, ninanais niyang huwag siyang mawalan ng mga salita para sa karagatan, mitolohiya, espasyo, at pagkababae. Kung dumating man ‘yong araw na ‘yon, baka kailangan niya ng paalala na makinig pa nang mas maiigi. Makikita ang iba pa niyang akda sa Heights, at para sa mga iba niyang gawa: tinyletter.com/sandali.



Sa Mga Puwang ng Pag-alala sa Pag-aabala


Issue No.1
            nagising ako sa isang mundong nakatila.
Sa TV, gumuguhit ang mga grapo ng stock market
            na parang kidlat—ang matematika ng paghuhula.
Sa radyo, sabi ng mga eksperto sa panahon, 
            asahan ko na may pag-ambon sa
hapon. Kayâ naman, dalî-dalî, ang boses sa
            kusina, 'yung mga sinampay, magdidilig pa man 
din ako ng mga kuwan! Hindi ba, ang pagguho
            ay isang sandali—ang ekonomiyang, parang
singaw ng lupang mainit bago ang pagbuhos ng 
            ulan, parang halumigmig. Ngunit dito lamang,
tulóy ang pagtili ng takure at pag-ugong
            ng washing machine. At ito nga, sa parehong
hápon, ayon sa mga eksperto sa salapi, nasa
            resesyon na ang mundo, ngunit tulóy pa rin ang 
pamumulaklak ng gumamela sa labas na
           matiyagang naghihintay ng dilig. Kung may bayad 
lamang ang mga gawaing 'to, rugo, matagal
           na akong baón sa utang.