When I landed on your soil,
I said to the people of the Philippines
whence I came, I shall return.
—Douglas MacArthur
Itong kapitbahayan
sa loob ng dalawampu’t taon wala na
ang bahay na ito. Binenta na naman ng
gobyerno sa mga oligarko. Mula
sa bintana, waring sumasayaw na kamay
o apoy ang natitirang dahon sa mga payat
na sanga. Monokromo ang lahat, parang
tatlong taon lang ang nakaraan
o tatlong taon sa hinaharap
kami, na narito, ay wala na.
*
May dalawang babae sa labas
ng kampo, mga walang suot,
ang isa ay matandang naghihintay.
Hinihintay bumalik
ang anak na sundalo.
Sa Kusina, Wakas
Bago pa man ako maghanda para sa eskwela, makikita ko si nanay sa dilim ng umaga, nakatayo’t nakadungaw malapit sa bintana, nakadaster, nakapaa sa’ming munting kusina. Naghuhugas siya ng mga nakatambak sa lababo, kagabi pa ang kutsara, tinidor at kutsilyo. Nang minsang muntik nang makabasag ng baso’t plato tahimik lang siya sa paglakas ng tulo ng gripo. *
Sa kusina naghugas ng mga ginamit sa lababo na dalawang linggo nang nakabinbin. Hindi anim na taon ang kinailangang bilangin upang sabihin na dinalaw ng gagamba ang platong metal na naiwan kasama ng pinatutuyong hugasan: plato, kutsara, tinidor, kutsilyo, kaldero ng kanin, kung saan may umusbong nang amag sa tutong. Sabi ng lalakeng inibig, ang solusyon daw ay asin.
Pagtatanod
Humahampas ang liwanag mula sa labas
sa mukha ng babae. Tumutulo ang tubig
sa salamin.
Tinabihan niya ang asawang
taimtim ang pagtulog.
Hinipo ang balikat, sinuklay
ang buhok, isang halik sa noo
at labi, pinatay ang ilaw sa kwarto
sa huling pagkakataon.
Lumangitngit ang palapag
sa bigat ng mga paa.