Antonette Ramos, Lungsod ng Pasay Si Antonette Ramos ay nagtapos ng kursong BA Malikhaing Pagsulat sa Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas, at kasalukuyang tagasalin sa kumpanya ng lokalisasyon ng mga pelikula at serye sa telebisyon.



Setyembre


Issue No.5
Muling aakit ng babala ang mga araw—
magiging mabigat ang mga susunod na buwan
pagkat lumalamig at kailangan mong lagi’t laging
makipagtalik sa iyong hanapbuhay.
Kahit tiyak na hindi mo ito iniibig.
              
Mamamalayan mo na lang,
buntis na ang iyong mga bulsa.
Kapag nariyan na’y magiging maselan
ang iyong kondisyon—
mabigat ngunit hindi maaaring ilaglag.
Umaasa ang mga inaanak.
 
At dadating ang itinakdang sandali.
Hayaan ang iyong mga bulsang umire nang umire.
Masakit at sisigaw ang iyong loob ng “Tama na!”
hanggang mawalan ka ng malay,
bumalik sa ulirat, at mapangiti ng alaalang 
kaparehas ni Kristo ang kaarawan
ng mga ipinanganak.