Bilang lamang sa mga daliri ang kilala kong mga kalapati. Ang pagkakaalam ko sa kanila, mga ibong ang tanging alam na salita Ay ang palakpak ng aking mga palad. Habang patuloy ako sa palakpak Walang patid silang pasirko-sirko lamang Sa alapaap. At habang nakasilong ang araw sa mga ulap, Gayun din ang aking pagtanga sa itaas Upang mapanood silang lumalangoy Sa gaan ng hangin. Hindi kailanman na inialis itong mga mata sa kanila, Kahit pa laksang silaw, o kahit pa sa mga araw na kulimlim. Nakaabang lamang sa nag-uunahang ampyas. Tinatahak ng paningin ang hangganan ng mga kinakatagpo nilang silungan. Ang kumpas ng aking mga kamay ang hudyat sa mga tahanang darapuan. Habang malawak nga ang langit, maiksi naman itong mga palad. Kung ano lamang ang sukat nito, iyon naman ang lawak ng kanilang lipad. Nang sila’y magsilaki na, noong mga pakpak ay bumabagwis-bagwis na, Nagtarak ako ng kawayan sa lalim ng putik. Habang sa kabilang dulo ang bandila Galing pa sa luma kong kamiseta. Mantakin mong kahit walang palakpak, walang signus na sila’y magsibalik, Itong bandila ang pumapatnubay. Subalit, mayroong mga gabing Humuhuni sila na parang mga mang-aawit ng punebre. Patuloy ang pintig sa aking dibdib dahil tulad din nila, Ako’y kaluluwang walang laya.