Makailang ulit mo nang hinawi ang mga agiw ng pangungulila na napagkit sa mumunting silid sa aking pagkatao. Sa tuwing kakatok ka, numinipis o tuluyang naaalis ang sinsin ng alabok ng pag-iisa. May sinag na nakalalagos sa siwang ng aking pintuang ni minsan ay di ko binuksan. Marahang-marahan kang lumalakad sa loob ng aking bahay na panay patay ang mga kulay; at sa tuwing hahakbang ka'y sabay na nagkakabuhay paisa-isa ang mga ilaw na may sari-saring kulay at hugis. Nasisilaw ka ma'y naaaninaw ko pa rin ang ngisngis sa iyong mga labi. Sa ganitong tagpo, lumiliwanag nang lumiliwanag ang mumunting silid sa aking pagkatao. Nais kupkupin kahit balangkas ng iyong anino. Sapagkat ikaw ang tahanan maging sa aking pananaginip: sa aking tabi, pinagmamasdan kita habang naghihilik. Bago pumikit, isang halik sa noo mo ang aking dinampi.