Luluhod ka sa harap ng estatuwang marmol. Magbabalat
ang mga labi. Dahan-dahan mong bitbit ang katawang
pinagmasdan sa kahubdan at pagkabuo. Bubuuin mo
ang templo ng kanilang mga sala. Mga matang
walang pakundangan. Rituwal ng pagkanulo,
magtitipak-tipak ang mga kuko. Ganito hinuhulma
itong pagsamba: sa mga espasiyo ng lantarang pagkanulo,
umaalingawngaw ang pagguho. Nais manatili, nais mamalagi
nitong mga sandali—
Sa sala, pinapaso ng mananahi ang mga tastas sa laylayan,
pinakikinggan ang parada ng mga makasalanan. Walang
nakaaalala sa santerong lumikha sa imaheng kaharap.
Patuloy na kinakanta ang mga hymno ng paglimot,
ang sagot ng siyudad sa ating pagkalimot.
Para sa kanila, ang pagkalas ay siya ring pagkawala.
Ano nga bang pinagkaiba ng pamahiin sa pananalig,
ng penitensiya sa panata. Magkatumbas
ang halaga ng katahimikan at mga salita. Hindi maaaring
magsalit-salitan ang alinlangan at pag-aalay.
Hagayhay na panakas—ikaý manonood, mahigpit
ang kapit sa rosaryong alam ang kanilang lungkot. Silang ugnay
sa ating mga pasakit: pilak, insenso, ginto, tanso.
Puntod ng mga sinukuan. Bubuo tayo ng bagyo sa disyerto.
Bibilangin ang ating mga marka sa kalendaryong hindi pa rin
nauubusan ng mga araw. Itong pagkauhaw ng mga sinukuan.
Ngunit ang umaga—
ano ba’t senyales ng kawalan.
Ihihimlay mo ang ang susunod katha sa alpombra at hihintayin
ang panalangin sa panibagong umaga.