Ito ang itatanong sa atin ng batang makasasalubong sa hinaharap: paano ang maging malaya? Agad nating kakalkalin sa alaala ang nabinbing pangako ng Diyos sa lupa. Uusisain ang sarili: paano nga ba ang maging malaya? Malabo ang ihahain ng memorya, pangamba ang mamumutawi sa mata. At katulad ng payo ng pilosopo: kaninong kabuluhan nakasandig? Hindi na ito mahalaga. Kapag nasalubong ang bata bukas o sa mga susunod na araw, at tangkain nitong siyasatin ang lahat ng hinggil sa kalayaan. Ipakikita ko sa kaniya ang lamat sa mata, ang bitak sa palad, ang tahi sa pumutok na labi, maging ang naligaw at nagkalat na pag-asa sa teritorya. Ipaaalala ko sa bata na ang tunay na paglaya ay higit pa sa salita. Abutin man ng alinsangan at hatinggabi sa lansangan, ang tunay na paglaya ay sumasaksi sa lihim, tumututol sa lasong ipinasususo sa sarili’t kaaway.