Mark Angeles, Caloocan City Isang guro, mamamahayag, at textbook author si Mark Angeles. Ilan sa kaniyang mga tula ay lumabas sa anyong dagli sa kaniyang koleksiyong Ang Huling Emotero na inilimbag ng University of the Philippines Press noong 2021. Noong 2024, inilimbag ng 8Letters ang kaniyang Wasakan ng Puso: Mga Bago at Piling Tula.



Tatlong tula


Issue No.11

Melismata

 
MANILA — Kailangan ng mahigit 
1.17 bilyong piso para ayusin 
ang mga paaralang sinira ng… 

Pamulinawen, pusok indengam man
Toy umas-asug agrayod’ta sadiam
Panunotem man

….Bagyong Karding, ayon sa 
Kagawaran ng Edukasyon.

Sa isang press conference ngayong 
Biyernes, sinabi ni DepEd 
spokesperson Atty. Michael Poa na 
umabot sa 165 paaralan ang 
nadamay at…

Wo ai Beijing Tiananmen
Tiananmen shang taiyang sheng
Weida lingxiu

…386 silid-aralan ang kailangang 
ayusin.

Ginamit ang 561 paaralan bilang 
evacuation sites…

Hey Jude, don’t make it bad.
Take a sad song and make it better.

…nang manalasa ang Bagyong 
Karding sa Luzon noong Linggo ng 
gabi…

Fei shang, gao shing, chi, shishyang, 
Chonghu, Guaja, Jushi, Xijingpin‬

…na kumitil ng 11 buhay.
 
 

Pagkawasak

 
1.         Isang linggo pagkatapos, ang palay na pinadapa ng bagyo 
            ay mangangamoy-alipunga kung hindi gagapasin.

2.         Hindi pa siya nakakakita ng bigas na nagdikit-dikit at inaamag.

3.         Marunong siyang magpinakbet pero hindi niya bet 
            magsaing, ni maghugas ng bigas.

4.         Pero nagsasalita siya na para bang siyentistang 
            nakapagpadoble ng mga butil ng ginto sa mga uhay, 
            nakapagpalit ng turnilyo ng traktora, natuklasan ang sagot 
            sa climate change.
 
 

Balanoy

 
Tumubo ka 
sa bungo ng jowa ni Isabella.

Lumago ka sa dilig
ng kaniyang pagtangis.

Buhok ka ni Tulsi,
Avatar ni Lakshmi.

Namimilipit si Krishna
Kapag binali ang iyong sanga.

Bulaklak mo’y de-WiFi
Na cardiac monitor ni Kudaman.

Pampawi ng ligalig
Ng kaniyang mga misis.

Duklay mo’y nakapakete,
Hinarvat ko sa grocery.

Panahog ko sa pasta
Kapag purga na sa de-lata.

Mabuti na lang at itinanim.
Ayuda’y tikatik kung dumating.