Sabi ng paradigma ng teorya sa papel ni Iskolar et al, kuwentong pambata raw ang dudurog sa mga dambuhalang dalumat upang malulon ng mga batang edad 4-6. Kaya sa taóng ito, ang ubod ng panukala ng ahensiyang naatasang tumugon sa sakuna ay taasan pa ang badyet upang makapaglimbag ng ilang istoribuk tungkol sa paghahanda. Sapát ang ganansiya ng púnong may-limbagan, samantalang salát ang sumulat na utak. Ang lahat ng sukli ay sa ulo ng proyekto at sa tagapagmahikang pampananalapi. Mabuti at libre ang kuwentong pambatang tampok sa mahahabang mesa sa entrada ng mga kumperensiya tungkol sa polisiya na bukás lamang para sa mga dalubhasa.