King Czar Mardi Dignos, Manila City, NCR Si King Czar Mardi Dignos ay nagtapos ng Bachelor of Arts in Literary and Cultural Studies sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas - Sta. Mesa. Ang kanyang mga prosa at tula ay nalathala sa Gantala Press, Liwayway, Novice Magazine, Philippine Daily Inquirer, Ukiyoto Publishing, at sa mga zine ng Kinaiya: Kolektib ng mga LGBTQI+ na Manunulat.



Fever Dream


Issue No.9
Umaagos ang malinaw na tubig
at hitik at hinog
ang mga bungang-kahoy
sa ilustradong bersyon ng Genesis
kung saan namumukadkad
ang makukulay
at mahahalimuyak na mga bulaklak
sa bawat pulgada
ng malusog na lupang nadadaanan
ng Panginoon. Buhay ang bawat eksena
sa isipan kong mahilig sa pantasya
na madalas ay nahihilig din sa Siyensiya
lalung-lalo na sa usapin
ng Biolohiya. Siguro ay tumataas
ang kilay ng tatay kong naniniwala
sa analohiya, na ang Relihiyon
ang opyo ng masa. Hindi niya ako pinatigil
sa pagbabasa, nakita niya siguro ang aliw
sa aking mga mata; iyong pagkalibang
na makikita mo sa aking mukha
kapag ako ay nagsusuyod sa mga hibla
ng hinabing naratibo. Minana ko kay Papa
ang pagiging mausisa sa mga bagay
kaya sa edad kong sampu, ako ay mulat
na hindi absolutong katotohanan
ang aking binabasa. Iba ngayon si Papa,
hindi siya kasinggaspang ng kanyang kalyo
sa kanyang mga palad, matabang ang amoy
ng kanyang Fortune pula, na laging nakakapit
sa kanyang striped na kamiseta
at sa buhok niya, na kapareho ng akin—
inuuban at maalon ang pagkakulot.
Sa ilang araw niyang pagbabantay
sa ospital, siya ay mas nakikinig
at hindi siya naririndi
sa aking mga kwento. Laging bumubungad
ang madadalang niyang ngiti
at pinagbabalat niya ako
ng dalandan at itlog ng pugo
na ayon sa kanya, ay magpapayabong
sa dugong mabilisang nilalamon
ng mapanuklaw kong dengue.
Maalaga siguro siya noong panahong ito
dahil nasa bingit na ako ng pagkalusaw
at inaakala niya sigurong dineklara na
ng nasa itaas, ang natitira kong oras.
Para itong panaginip na sobrang linaw
ngunit mahirap ipaliwanag. Iyong tipo
ng mga bangungot, na dumadalaw sa akin
sa tuwing ako ay tinatrangkaso.
Nasulyapan ko minsan sa mukha ni Papa
iyong mukha ni Noah, noong nabatid nito
ang binabalak ng langit. Namamayani
ang amoy ng mga gamot sa ospital
at ang malamig na hanging kinukumpas
ng nakabigting bentilador sa kisame
ng aming kwarto, na pintado
ng matitingkad na imahen, sa bawat pader
at sulok; parang bahaghari,
nang humupa ang mapaminsalang baha
na sumisimbolo sa Kanyang pangakong
hindi niya na muling lilipulin ang mundo.