Mabining kinakaliskisan ang tilapyang huli sa alog. Lalo pa't nag-iisa lang. Katamtaman ang laki, hindi gaya noon na animo'y dambuhala. Hindi naman sa maramot ang alog. Nagbago lamang ang pagbibigay ng biyaya sa pagbabago ng ating puso. Nananatili na rin lamang na alaala ang mga araw na tigib sa batang naglalaro't naliligo. Sa paghiwa, iniingatang matamaan ang apdo. Masisira ang dinengdeng na pagsasahugan nito pagkaihaw. Hindi ito papaitang Ilokano na iibigin ang pait, na pakamamahalin ang naiiwang pait sa dila at lalamunan. Pinagtiyagaan mong inipon sa dibdib ang bawat apdo ng mga nilinisang isdang-tabang. Saka ipinatitikim nang lihim sa handaang ikaw ang dahilan. Sa handaang ikaw at ikaw lamang ang may gintong kutsara't tininidor habang ang lahat ay nagkakamay lamang. Nakalimutan mong sa bawat pait na naipatitikim, gumuguhit hindi lamang sa lalamunan—inaabot hanggang buto. Sa pagkaagnas, mababasa mo ang kuwentong isinulat ng apdong inipon mo sa dibdib.
*
Tala: Ang alog ay maputik na katubigan na madalas malayang nakapamumuhay ang mga isdang tabang. Malaya rin ang sinumang mangisda sapagkat madalas walang nagmamay-ari nito.