Glen Patrick Camante, Marikina City Lumaki si Glen Patrick Camante sa Lungsod ng Marikina. Kasalukuyan siyang nag-aaral ng AB Filipinolohiya at naging estudyante ng Sertipiko sa Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa Filipino no'ng nakaraang 2021 sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas-Manila.



Marites


Issue No.5
Abot-kamay natin ang mga kuwento
Sa balumbon ng balitang kumakalat, nananabog, o parang mumo
Sa mga pagitan ng ngiping nginata't
Nilantak sa hapag ng selpon, nagluluwal
Ng mga kalatas na nag-uugnay sa lipon ng tsismis
Tsismis na kung kumalat ay
Lumulundag-lundag tulad ng palakang echosera
Papasa-pasa tulad ng makulit na butete
Na kung humirit sa paglangoy ay ubod ang harot,
Harurot at pilantik tulad ng kumekendeng na dila

Abot-kamay natin ang mga katotohanan
Sa paraang nasa sa atin ang tunay
Sa mapanganib o sa maingat
Sa masiyasat o mababaw

Masakit sa matang mamataan ang tsismosang
Kung umawra'y suot-suot ang daster sa bangketa 
Dahil walang kiber na iboboka ang binaluktot
Na mga naratibo ng kahindik-hindik na baho ni kuwan
O ng kung sinumang nais nilang pagtripan
Habang bitbit ang walis hindi para sindakin
Ang alikabok, hindi ang mga natuyong dahon
Kundi gawing panabing sa mga nakaukit
Na langib ng kahapon

Habang namumualan sa nakakapaniwalang
Kabulaanang pinulutan sa bangketa
O sa labas ng tarangkahan ng kababawan
O sa panghihimasok para lang bigyang-pansin ang patsada

Hawak ba talaga natin ang tunay
Na pag-iral ng pagkatunay
O baligho maituturing ang lahat, ang kaalamang pinakialaman
Na parang dumadagdag na lang tayo sa pagpatong ng kalituhan?

Sinipit tayo ng tsismosa, sinampay para mabilad ang kinuskos na bantot,
Sa baligho’t pagkasaysay, ng pag-asa
Para hindi na muling hukayin pa sa lalim
Ang dunong na nakatakdang abutan ng taning
Sa ating mga lilim—nagiging misteryo o lihim