hindi makaakyat ang mama sa ikaanim na palapag
may bala sa kanyang hita at dugo
sa bibig
kung ang bibig ay bansang hiniwa ang ugat at ang dugo’y maharlikang nayon
ngayon nangangapa sa patay-sinding ilaw
habang pinupukpok ang ulo ng panibagong pasakit.
hindi makaakyat ang bata sa ikaanim na palapag dahil pinintahan siya ng pula
ng amang gumagawa ng pera
mula sa kamay ng bagong heneral
mula sa bibig ng kalansay
tatahol ang kayang tumahol at luluha ang lahat ng pinilasan ng karapatang magsalita.
bata ka pa pero kaya mo na
bata ka pa pero kaya mo nang
paapuyin ang bituka para isuka ang
pinipilit nila.
bata ka pa pero kaya mo na
bata ka pa pero
kaya mong amuyin ang sangsang ng
ikaanim na palapag; hindi mo nais
malaman kung paano sila tumingin sa baba dahil
bata ka pa
at may mga hagdan na sinusunog
para gumawa ng panibagong bansa.
bata ka
bata ka ngunit hindi bata
bata para kalasin
ang lumang tanikala
bata para alamin ang
bata para sa bansa.