Walang humpay ang kamot-ulo ng aburidong taxi driver. Naiintindihan ko, apektado ang hanap-buhay kapag ganitong pinapatay ng sama ng panahon ang mga kalsada at lungsod. Binuksan niya ang bintana, tinanong ang motorista: ano’ng meron, bakit ganito? Hindi ko narinig ang sagot dahil sa palahaw ng ulan. Hindi maintindihan ng taxi driver kung ano’ng meron, kung bakit ganito. Sa isip ko: walang meron kaya ganito. Hindi ko masabing madilim ang ulap ngunit may bahaghari kung saan kami pupunta. Hindi ko masabing masama ang panahon pero mabubuting tao ang naroon kung saan kami pupunta. Hindi ko masabi kung saan kami papunta kaya ganito. Meron akong takot kaya ganito.