Wala namang papalakpak kung sabihin mong natapos mo nang tupiin sa wakas ang mga nilabhang ilang araw nang tuyo sa sampayan. Wala ring huni ang pagtutupi: ang marahang paglapag ng bawat suot sa ibabaw ng isa pa'y isang tahimik na pagtatagpi. Ang bawat retaso, bawat yugto nitong nag-iisang buhay mo, halos napakadaling isuko sa kawalang- kibo. Ngunit, sapagkat hindi nga sine ang buhay, at sa labas marahil ay tumatarak ang punyal sa balat, pumupunit sa ugat, kaya mas kailangang patugtugin ang dramatikong soundtrack kahit na ang gagawin mo lang naman ay kumagat sa isa pang piraso ng tsokolate. Sa ngayon, hinahayaan mong magtagumpay ang buhay. Isa rin itong uri ng pagwawagi.