Ang tanging pagkakamali mo ay tingin mo masasaktan mo ako sa wikang hindi ko inaangkin. Makikilala mo rin ang titik nito kung pumasok ka man lang sa tahanan kong nasusunog. Makinig ka: walang nagsasabi na ito ay paninilab. Alam mo ba ang pakiramdam na magsimula ng apoy at pagkatapos ay maging ito? Akala ko rin. Sana pinagmumultuhan na ito. Parang nalilimutan ko na rin kung paano maglakad. Nagbibilang ako: kaunti lang ang araw natin. Alam niyo naman ito: isang paa tapos ang kabila, at kapag ako’y tumanda: isang paa tapos ang kabila, hawak ang kamay sa nabubulok na kamay. Sumasayaw na ako muli. Tendu rito sa baldosang ito. Tendu roon sa baldosang iyon. Tendu tulad ng punas. Sukat ng kuwarto gamit ang katawan. Iniiwan kong bukas ang bintana para sa mga aswang, sa kanilang dila, pakpak, at uhaw— pag-ibig sa bangkay na hindi namamatay. Tumayo ka sa may puno ng rambutan at makikita mo ang katawan kong dalawang-katlo; kada umaga magigising ka bilang araw at ako’y lunod muli sa apoy. Masdan mo nga kung anong ginawa mo, umaapaw pa rin ang usok dito. Naglakad ako at nagbilang: hindi ko alam kung ano ba dapat ang titingnan ko. Sarado na ang mga tindahan; limang minuto akong nag-abang ng jeep na hindi na darating. Kita ko si Choco sa tabi ko hanggang siya rin ay pumanaw sa idlip. Minsan, masyadong mahigpit ang kapit ng aso ko at iniisip ko na hindi ako ako kundi isang ibon o ipis sa bibig pagkatapos ng habol. Gutay-gutay at buhat sa dila bilang regalo, bilang Tingnan niyo po, ginawa ko ito para sa inyo. Ano bang kailangan kong pansinin dito? Kung gaano kahaba na ang damo, kung gaano kakapal ang mga puno ngayo’y walang dumadaan? Kung gaano kaingay pa rin ang mundo kapag ang hukag ay ang nagbibigay laman? Kapag sumasayaw ako, ako ay ang Adarna ni Stravinsky. Nakasakay ako ng lobo sa gubat. Ang sayaw na ito ay digmaan. Kamay mo sa akin sa bawat arabesque, sa bawat pas de deux. Kumurap ka at sa isang idlip: muling tumatayo ang higaan hanggang bubong. Muli at muli ako’y napangiwi dahil wala kang sugat na maibibigay sa akin na hindi ko na naibigay sa sarili. Ang tingin mo ang unang pagkakamali: kung gusto mo akong silaban, hanapin mo ako sa dupong. Harapin mo ako sa abo. Hawakan mo ako, kamay sa bulok na kamay. Huwag mong kalimutan na ang bahay na ito ay tahanan ko. Diniin ko ang aking paa sa lupa. Alalahanin mo ako habang inaalala kita. Matumba man ang isang paa at pagkatapos ang buong katawan, alam mong madali lang akong hanapin. Idiniin ko ang tainga ko hanggang marinig nito ang tagong ugong, ang ungol ng tiyan ng lupa. Hinahanap mo ba ako? Akalain mo na sa tagal ko na rito, magiging mas magaling na ako. Waltz sa kamay ng multo, sa kamay ng kamay na walang makapitan. Masdan mo man ang salamin at ito’y mananatiling malinaw pa rin: Ikaw. Pagkatapos ng lahat na ito ikaw pa rin iyan. Parang laging masyadong maliit ang bahay na ito para sa katawan na ito. Parang laging masyadong malaki ang katawan na ito para sa puso na ito. Hindi sa hindi ko sinusubok lumayas. Hindi ko kaya. Kita ko ang puno ng rambutan at ang aso ko at ang bintana at ang rambutan. Firebird at ang kaniyang prutas; ang kaniyang magpakailanmang prutas. Tumatanda si Choco, bumabata, depende kung naalala ko pa kung ilang oras na ang nakalipas. Nakikinig ka ba: walang nagsasabing nakita ka nilang magpa-apoy sa sarili mo. Ako ay sumasayaw. Baka sakaling makita mo ako. Baka sakaling wala itong kahulugan sa iyo. Sa tingin mo ba ako’y nakirot? Ako rin ay tumangis sa nakaraang prosa. Ang katawan na ito ay tutubo at mamumukadkad sa dumi. Tumayo ka sa ilalim ng rambutan at tingnan kung paano bumubulaklak ang kanilang mukha, ang kanilang mukha takip ang tamis, nang walang hanggan. Ako ay kawalan hanggang ako ay nariyan. Ako ay nasa lahat ng lugar sa lahat ng oras. Ako ang apoy, ang lupa, at ang saksi. Ay, mundo, sasabihan mo ba ako kung ako rin ay nagbago na para sa iyo? Kung ang lahat ay maaari pa ring umiral, may susunod pa ba rito at hindi pa rin ako maaaring matunaw?