Ben Aguilar, Cagayan de Oro Ben Aguilar is the author of the chapbooks Into the Earth (2015) and Brand X (Aklat Ulagad, 2021). His english translation of Rosmon Tuazon's chapbook Mula was published in a combined bilingual edition, titled Forth (Balangay Books, 2021), with a grant from the National Book Development Board. His poems have appeared in Cimarron Review, Kritika Kultura, Maintenant, and Slippery Elm.



Tatlong Tula


Issue No.4

Ang Araw Bago ang Kaubusan

      
Paroo’t parito sa kanyang selda
ang huling nalalabi ng kanyang lahi.
Pambihirang araw: tanghaling tapat,
at pinapayungan ng mga magulang
ang kanilang mga batang 
kinakakalampag ang mga rehas, inuudyok
ang alam nilang hindi sila maaabot. Hindi sila makakagat,
masasaktan. Sa sandali
na makikilala natin siya, sa video, halata ang asinta
sa kanyang bawat hakbang. Hindi kaya’t dapat sanay na siya 
sa ganitong pangyayari, na tuwing tag-init 
ay wala siyang aabuting
siyesta dahil walang pasukan? 
Wala sa paaralan ang mga bata: naroon sila sa danaw, naliligo,
habang tuluyang tinutusta ng araw na doble ang sinag sa kanilang balat
dahil sa kislap mula sa tubig; o nasa mga kalsada sila, pinagbabato 
ang mga ibon at magandang mga sasakyan. 
May ilang bata na nandito, tinatanaw
ang iba’t ibang hayop habang hawak ang sorbetes 
at kamay ng kanilang mga magulang na hawak ang payong. Habang patuloy 
ang paglalakad ng hayop na walang dulong natutunton
habang paroo’t parito sa loob ng kwadradong kulungan.
Hindi lang din siguro tunay na mapapanatag 
ang dulo niyang kalahati, ang kanyang tigre na kalahati, 
handang lumundag kahit na halata ang pangangayayat
sa kanyang mga binti— ngunit pinipigilan siya sa kanyang bangis
ng kanyang pasensyoso at maamong ulo, ang aso niyang ulo, 
na walang-sawang binabaling ang tanaw 
mula sa mga nakatitig. Hindi nabura ng mga taon ng kanyang pagkakasilo
ang hiya mula sa kanyang balat. Kung pangkaraniwang init sana, 
malamang tinitiis na sana ang araw 
ng mga taong nakatingin, kaya’t dalawa 
sa tatlo sa mga paslit na nakatanaw ang magkakakanser sa balat, 
sakaling abutin nila ang pitumpong taon. Ngunit isa ito sa pinakamainit
na araw sa kasaysayan nitong mga taong 
pinanganak sa lupang ito kung saan
tila ang tubig na bumubuhay sa iyo’y
gusto ka ring patayin. Baka ganito ang pagtrato
sa kanila ng lupa dahil hindi naman talaga sila
taga-rito, mga anak ng dumating mula sa isang bayan
kung saan malumanay ang init ng araw, at malayong
mas malamyos ang simoy ng hangin. Siguro nagmula dito
ang kanilang pangangailangan na amuin ang buong mundo,
sa pagpangalan, pagkulong, pagluto, paghamak, pagtala,
pagvideo— gayunpaman ay hindi na natiis ng hayop 
ang kanyang inis sa mamang hawak-hawak
ang isang kamera na kasinglaki ng kambing at patungan
na parang sungkod, at dahil dito binilinan ang mama
ng apat na butas sa kanyang pantalon at puwet bago
dinampot ang hayop, pinagpapalo, 
at naglaon hinayaang mamatay sa init.
      
      

Kutsilyo

      
Gusto ko yung may talim na masusugat 
ako sakaling mamalikmata ako. Gusto ko 
yung masyadong malaki, halos hindi magkasya 
sa aking kamay. Yung may sapat na kapal 
ang likod, na tumatama sa aking daliri
nang magkakalyo sa paulit-ulit na pagtadtad.
Na kapag nilapat sa gulugod ng manok 
ay wala kang mararamdaman sa paghiwa. 
Gusto ko yung ako ang magpapakalawang sa katawan, 
yung sasakit ang aking pulsuhan
sa paggamit, na sa tuwing dadating ang panahon
na kailangan ko na itong hasain, kahit anong ngawit
ng aking braso sa paulit-ulit na pagkiskis, 
pudpod pa rin, hindi na muli mababalik
ang unang talim. Gusto ko yung kakaiba ang hugis,
tulad ng gamit ng napanood kong chef
na ‘di-gaanong komplikado ang niluluto sa mga palabas
ngunit naaaliw ka sa kanyang biro. Kailangan mong tumawa
kapag binibiro ka ng isang taong 6’5”.
Wala nang palabas ngayon ang network na iyon 
dahil hindi daw sila patas magbayad. 
May isa silang palabas na inutusan
ng kanilang boss ang natukoy kong chef na hasain
ang kanyang kutsilyo. Isipin ang kapangyarihan
na kailangan mong taglay nang mautusan ang isang mama
na halos isa’t kalahati ng iyong bigat, sobra ang isang ulo
ang lamang sa iyong tangkad, mama na
hindi mo maaabot nang makaganti sakaling maisipan niyang
saksakin ka, gayun na lamang ang haba ng kanyang abot, na kunin 
ang iyong mga kutsilyo sa iyong bahay at hasain. Kapangyarihan 
na nakasasara ng kumpanya. Pabilog at pababa ang kutsilyo
ng chef, yung ganoong hugis ang aking nais, 
gusto ko yung ibabaon sa aking gilid sa loob 
ng aking kabaong manglaon,
nang mabungkal pagdating ng panahon
ng mga mananaliksik, makalipas ang ilang libong taon,
nang akalain nila na ito ang ginamit
kong sandata sa digmaan, o ‘di kaya’y isiping
isa itong kasangkapang pangsamba.
      
      

Ang Sandali

      
Tulad ng kay Mary Szybist

Para kay Coleen
      
Kita ko sa iyong mata ang lalim
na iyong sinisid sa tanghaling-tapat.

Lalim na abot-balikat,
abot-sinapupunan.

Pambihirang lalim
na hindi aakalaing matataglay 

ng isang balde,
pambihirang balde.

Pangako ng Panginoon,
hindi na muli malulublob

ang buong mundo sa tubig.
Kung paano na muli

mananampalataya sa mundo
na sa bawat pagpiga 

ay tubig lamang ang binabalik.
Mula sa tela,

mula sa dibdib.
Gusto kong ibalik sa iyo 

ang naglisan
sa di-matumpok na sandali, 

tulad ng sandali na hinila ko
mula sa iyo ang iyong dala 

at hinandog sa iyong
nag-aabang na mga kamay,

basa sa sarili mo mismong
likido na pinambalot sa isang mundo.

Kung paano ko ba 
masasamahan ang iyong dalawang braso 

sa pagpasan ng mundo 
na wala na riyan.