Ang aking buhay: kanlungan sa kulungan. Ang tainga ko ay nakaniig sa labi ng radyo. Nakikinig sa hindi nagtitipid na bunganga ng mga komentaristang naghahatid ng mga ulo ng balita sa sangmagdamagang takbo ng panahon sa riles ng mga kagila-gilalas na pangyayari ng lungsod. Ngunit sa isang tao ako lubos nahumaling sa radyong ito na nagsasapelikula ng mga paslit na inip at mga kirot ng guniguni. Pinagmamasdan ang mga katawang lupa ko noon pa na bahagi ng pagbangon at iba pang mga naibulsang pagkamangha at paglaho, sa pag-ibig, buhay, pakikibaka, landasin na walang hihigit, sasapat. Nang minsan ay hindi ko naiwasang kiligin at napaso ang dila sa bagong saing na mais dahil sa pagpapalitan ng matatamis na linya ng magkasintahan tuwing ala una y media sa sinusubaybayan kong drama kasabay ang huntahan ng mga kundiman mula sa wayang ng paligid. Doon ay sinasayaw ako sa isipan ng magkayakap na asawang nadako sa Cotabato. Araw-araw kong pinagsisisihan ang pagpili ng unang pag-ibig, kaysa pangarap na landasin. Sinuka ko lahat. Ito marahil ay tawag ng sariling silindro ng anino sa pagsusunog ng sariling balat sa balat ng kinahihindikang pag-ibig. Akala ko ay ganoon ang pag-ibig: niyebe ang magpapayakap ng dalawang nilalamig na puso ayon sa k-drama. Mali. Lamig ang gagawa ng siwang sa puso. Pag-ibig na tulad ng sanaysay na sinasalaysay ang mga danas sa pagsulat habang nandiyan ang kalungkutang nakasubaybay, kung paano mo isinisulat gamit ang kutsilyo ang mga kalungkutan sa iyong balat, tagos sa kaluluwa, walang hihigit, sasapat. Hindi ko tarok kung nakalaya ba ako sa sumpa sa ganitong tinatawag na pagdahop sa pag-iisang dibdib ko sa sundalo. Alam kong nagsusunog siya ng bangkay. Ngunit baka kaisa rin niya ako sa sumpa ng kaniyang mga paa na nagsisilid ng kamay ng mga nakikibaka sa hungkag na kahon at nagbubusal ng mga tambol ng paglaban. Akala ko ang pag-ibig sa isang alagad ay paghapon ng sarili sa katahimikan ganoon pala ang isang pagpapahirap ng sarili sa putok at himutok ng ‘di mahagilap na panlilinlang. Mali ang akala ko: may wakas ang pag-ibig. Hindi lang sa sarili. Walang hihigit, sasapat. Hanggang dito na lamang. Maraming salamat sa pagbasa ng aking kwento. Lubos na gumagalang, Delia