Bakâ
Bakâ naman may puwang. May kiliti sa tamis ng sorbetes, lalo kung dadampi sa dila. Hindi lagkit kundi ngiti ang dulot ng natutunaw na krema sa daliri. Masarap ipareha ang tinapay na mainit-init sa ‘sang tasa ng may tamis-pait na kakaw. Pumapawi sa panunuya ng maghapong alinsangan. Bakâ mamangha sa mga bubὀt ng rosas sa katabing hardin. O maudlot ang nagbabadyang kulimlim at ulan kung may kasalong hindi natitiim. Bakâ nga sumisipol ang hangin, hindi lamang umiihip Bakâ naman talagang inuugoy ang mga punò, at sumasayaw sa saliw ng sipol. Bakâ may nagsasalimbayang kulay matitingkad at mapupusyaw, mga balangaw, hindi nagmimintis ang silip-langit sa kapirasong pisi ng langit na alay kung magkahawak-kamay. o susubuking maghawak ng kamay. Bakâ naman panaginip sa idlip ng pagkainip kayâ naglulubid ng mga bakâ habang nakatunghay sa inaalikabok na salamin ng antigong bintana dahil walang ibang mapagpilian kundi magtistis sa gurlis ng pananabik.
Isang Gabi, Dating Site
Tanggap ko ang bawat mukha, bawat katawan na parang kilalang-kilala ko na sila’t Madalas makasalubong sa madawag na daan. Walang alinglangan, paglalaanan Ng espasyo at oras ang kanilang panandaliang Tingin, mga pahaging, at maging pangungutya Sa mga tulad kong ang tinig ay tumitinis At ang mga daliri’y pumipilantik, banayad na gawing itinatanggi Ng mga umaasang sa bawat gabi Ay may mabibingwit sa makitid Na sapa ng pag-ibig. Heto ako’t naghuhubad ngunit balot na balot May tinig na nabubusalan May dunong na tinatalupan ng ibang wika. Bawat hibla, gaspang ng balat, handang Punasin. Marahil, nagbubukas ako Sa gahiblang haplos Sa isang dampi ng halik At sa saglit na pansin Pagkat mapanglaw na ang ilaw sa silid Sa apat na sulok kung saan sumisirit Ang lamig ng walang pakundangang ulan. Nakatitig ako sa screen, naghihintay ng apoy O anomang ‘sang salita. Alas dos na’t napundi na ang bumbilya. Nadarama ko na ang ginaw ng madaling-araw.