Ronald Araña Atilano, Newcastle, NSW, Australia Si Ronald Araña Atilano ay isinilang sa Metro Manila, lumaki sa Dasmariñas, Cavite at kasalukuyang naninirahan sa Newcastle, Australia. Nalathala ang kaniyang mga tula sa Likhaan: The Journal of Contemporary Philippine Literature 16, Entrada IX, Brave New Words Vol.1 (Paper Trail Projects), Filipinas Journal, Hulagway, Agos, Latay sa Isipan, Ikatlong Bagting, Santelmo, Manila Times, Dagmay at Liwayway. Nagwagi siya ng unang gantimpala para sa Tula sa Saranggola Awards noong 2022 at ikatlong gantimpala sa Gawad Lazaro Francisco noong 2024.



Dalawang tula


Issue No.11

Voyager

 
Noong humayo ka, humulagpos ng heliospera
itong gatuldok na manlalakbay, nag-iisang galyong
sumasagwan sa look ng mga bituin.

At natanaw kong ikaw ang mag-isang umuugit ng timon,
nasisilaw sa pagdaragitab ng mga aparato
at pagkislap-pagpanaw ng nalalabing liwanag.  

Anong mga kilapsaw ng aming daigdig ang sa iyo’y
nananatili, ikaw na pumanaw naming astronomo?

Sa intergalaktikong salamin, nababanaag mo
ang pagsilang at pagsambulat ng panahon—
ano ang kahulugan ng pag-iral na nilisan?

Kung sasapitin mo ang dúlong dalampasigan
ng uniberso, anong mga ipinabáon naming bulong
at himig ang mauulinig kapag nagduruyan?

Tumatahol ang iyong gunitâ sa layò ng kalawakan,
tinutugis ang nebula. Tila ka ásong ipinalaot sa santinakpan.

Hinahalughog ng aming hinagap ang mga hanggahan 
ng hininga, hinahabol ang iyong mga hulagway.
 
 

Relativity

 
Humihinto ang panahon kapag nilisan mo ang iyong siyudad.

Bawat oras na mapalayô ay pagkaligaw
sa engkantadong gubat, pag-idlip sa pampang
ng isang lihim na lawa.

Sa pagbabalik mo, pelikulang muling susulong
ang panahon. Sa bintana ng taksi,
nagdaraang MTV ang mga bulebard at bazar,
ang slow-mo ng dumaragsang mga táo.

Pagala-gala ka’t matutuklasang
wala na ang mga dating dinarayo: ang aklatang
sasadyain mo kahapon lamang,
ang antigong bistro ng nagdaang gabi.
Sa inuman sa patio, magbabayad ka
sa kakilalang inutangan mo noong isang linggo,
at ni hindi niya matandaan ang iyong pangalan.
Wala na sa iskwater ang lahat mong kaibigan
(yumao na ang ilan, ang isa’y tumatakbong senador).
Walang makapagturo sa kinaroroonan
ng mga dating folkhouse.

Sa pag-alis mo, muling kukupad ang pelikula,
negatibong nagkabuhol-buhol,
sinag na nagdarangkal ng liwanag-taon kakaapuhap ng telon.

Pagdungaw mo mulang eroplano,
ang siyudad ay mapa ng pumipikit na mga bituin.
At nadarama mong sa pagsaglit mong ito,
nakasalubong mo
ang naiwan mong kakambal,
siyang binabagtas pa rin ang multong siyudad na ito,
siyudad na muling maglalaho
sa sandaling ikaw ay mahimbing.