Angelo V. Suarez, Quezon City, Metro Manila Gayong taga-Quezon City, makatang tubong-Maynila si Angelo V. Suarez. Philippine English: A Novel ang kaniyang huling aklat. Isa rin siyang peasant advocate sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) at Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA). Bahagi ng pambansa-demokratikong kilusan, nananawagan ang mga grupong ito ng tunay na reporma sa lupa, soberanya sa pagkain, at pambansang industriyalisasyon.



Tatlong tula


Issue No.9

40 taludtod

Para kay Ka Randy Echanis, lider-anakpawis na pinatay sa 40 saksak sa kaniyang apartment noong Agosto 10, 2020
 
Binhi ang bawat saksak ang bawat taludtod
            Walang hiwaga ang hiwa
Magsubo ng panginoon sa bawat siwang
            Sugat sa bukid, hukay sa laman
Sa puntod ng kasama uusbong ang mga kasama
            Sanga-sangang kamao
Hindi kasya sa kabaong ang pag-asa   
            Kislap ng karit sa buwan
Hinahawan ang dilim, nagbabaga ang talim
            Pinapanday tayo ng liwanag

Langit ay lupa sa kamay ng magsasaka

            Lupang nagkukumot sa mga martir
            Lupang kumot ng palay, bala, at apoy
            Lupang kinukumutan ng dugo’t dura
            Lupang namuong pawis, lupang asin
            Lupang nananalaytay sa ugat ng gutom
            Lupang artilerya ng pagkai’t minerales
            Lupang niyanig ng mga heneral
            Lupang hinirang, lupang hinarang, lupang hiniram, lupang hinablot
            Lupang abot ng bariles
            Lupang ginagalugad ng mga gerilya
            Lupang inaagaw ng kaaway, kaya aagaw ang hukbo ng armas

May lumanay ng liryo ang gatilyo

Mulang kanyon ng imperyalismo rumaragasa ang pasismo
            Handa tayo, mga kasama
Hawak-kamay kapit-bisig balikat-sa-balikat
            Barikada natin ang kasaysayan
Itulak sa sulok ang mga panginoon
            Tapyasin sa tatsulok
Paglubog ng buwan sisikat ang demokrasya ng karit
            Bago at pambansa

Nakatapak ang industriya sa lupa

            Lupang nasa ilalim ng kuko mo, Ka Randy
            Lupang uhaw
            Lupang tinubuan ng matagalang digmang bayan
            Lupang tahanan ng anakpawis
            Lupang tuntungan ng sosyalismo
            Lupang pula

Pinakamatalas na taludtod ang linyang masa

Rebolusyon ang ating katha
 
 

372 ektarya

 
Sa labas, nababalot sila ng gabi.
Sa loob, gabi ang nababalot natin.

Dito,

walang hindi hagip
ng hininga’t panaginip natin: kislap
ng karit sa putik, suray
ng talong sa tangkay, agak
ng itik sa likod-bahay.

Dito, atin ang lahat
ng hindi atin.
                           Bukas,
ikaw ang titimbangin ng baboy damo.
Ako ang gagapasin ng palay.

Buga                   Alab
ng ulap                ng boga
ang bala.              ang ulan.

Pagputok ng umaga,
ang nagbubungkal ay bubungkalin.
Hindi ba likas sa pag-aaring
lumikas sa pag-aari natin?

Binaklas natin ang bakod
nang itirik natin ang bakod

sa Lupang Ramos.
(372 ektarya ang daigdig.)
Sa Lupang Ramos,

ang madampi ng hangin,
palalayain.
                             Hangga’t lupa’y dumadanak,
sa dugo tayo tatapak.
 
 

Pito sa kada sampung magsasaka ay walang lupa

 
Pito sa kada sampung lupa ay walang awit

Pito sa kada sampung awit ay walang samyo

Pito sa kada sampung samyo ay walang luha

Pito sa kada sampung luha ay walang salita

Pito sa kada sampung salita ay walang kulog

Pito sa kada sampung kulog ay walang sugat

Pito sa kada sampung sugat ay walang talukap

Pito sa kada sampung talukap ay walang bukas

Pito sa kada sampung bukas ay walang magsasaka