Jobert M. Pacnis, Ballesteros, Cagayan Si Jobert M. Pacnis ay Ilokano at tubong Ammubuan, Ballesteros, Cagayan. Nakapaglathala na siya ng sariling aklat na kalipunan ng mga maikling kuwento sa Ilokano at nagkamit na rin ng gantimpala sa mga paligsahan ng pagsulat, kabilang ang 2022 at 2023 Gawad Bienvenido Lumbera sa kategoriyang daniw Ilokano, parehong Ikatlong Gantimpala. Naisama sa iba't ibang antolohiya ang kaniyang mga akda. Nagsusulat din siya sa Bannawag Magasin at Liwayway Magasin. Kasalukuyan ngayong alipin ng tisa sa Aparri West NHS, Aparri, Cagayan. 



Apdo


Issue No.9
Mabining kinakaliskisan ang tilapyang huli sa alog. Lalo pa't 
nag-iisa lang. Katamtaman ang laki, hindi gaya noon na animo'y dambuhala. 
Hindi naman sa maramot ang alog. Nagbago lamang ang pagbibigay 
ng biyaya sa pagbabago ng ating puso. Nananatili na rin lamang 
na alaala ang mga araw na tigib sa batang naglalaro't naliligo.

Sa paghiwa, iniingatang matamaan ang apdo. Masisira ang dinengdeng 
na pagsasahugan nito pagkaihaw. Hindi ito papaitang Ilokano na iibigin ang pait,
na pakamamahalin ang naiiwang pait sa dila at lalamunan.

Pinagtiyagaan mong inipon sa dibdib ang bawat apdo
ng mga nilinisang isdang-tabang. Saka ipinatitikim nang lihim sa handaang 
ikaw ang dahilan. Sa handaang ikaw at ikaw lamang ang may gintong 
kutsara't tininidor habang ang lahat ay nagkakamay lamang.

Nakalimutan mong sa bawat pait na naipatitikim, gumuguhit hindi lamang 
sa lalamunan—inaabot hanggang buto. Sa pagkaagnas, mababasa mo
ang kuwentong isinulat ng apdong inipon mo sa dibdib.
 
 
*
 
 
Tala: Ang alog ay maputik na katubigan na madalas malayang nakapamumuhay ang mga isdang tabang. Malaya rin ang sinumang mangisda sapagkat madalas walang nagmamay-ari nito.