Paano bang tinatabig ang tubig?
Kasintahan ko si Isabela. Nilatag ang aming mga katawan
sa dalampasigan. Puti ang pintig ng buhanginan. Pinagmasdan ang alon: Masdan
mo ang alon, aniya; kapag lumapag na sa dalampasigan, ay unti-unting umaatras, banayad, urong-sulong, na para bang binubusisi nang maigi kung dalisay ba ang lalapagan, at saka banayad na dadampi, mananahan. At kami'y gumalaw, gumalaw
sa isang mundo na kung saan ang tubig ay sinasalubong ang sarili nitong agos. Nangarap, tumira sa lungsod na kirat, ninuynoy ang kahabaan ng Maria Clara, Dapitan, Dimasalang. Umupa sa tumutulong silid na tadtad ng mga naninilip. Nakasalamuha
ang mga taong tuwad-nganga, daldal-nguya, hithit-hikbi, piyok-sambit, ngarap -dilat. At kami ay namulat. Hanggang sa sobrang mga maling notang naawit ay nagsawa, pikit-matang dumaloy patungong dalampasigan.
At sa nanghihinayang na buhangina'y dumampi, umatras, muling lumapag, muling umatras; parang mga alon na nakagisnan noong kami'y mga sariwa pang nilalang. Hanggang nanahan nang tuluyan, pilit na binubura ang lahat ng bakas, lahat ng bato't burak na nadaanan. Subalit kay hirap lumaya sa kawalan na nagmarka, mga aninong aandap-andap, mga haranang nilunok ang mga nanlamig na liriko, mga tulang natulala't nahilo sa nagkatrapik-trapik na talinghaga, saknong, espasyo.
At pakiramdam ay para bang di talagang lumapag, ang buhangna'y di panatag, pumapalag, tinutulak pabalik ang mga nagdurugo naming tulak, sinasalag ang mga paparating na pagsusumamo, mga nagpupumiglas na palag.
Paano bang tinatabig ang tubig?
Nasubukan mo na bang sa lusak ay umibig?