Umaagos ang malinaw na tubig at hitik at hinog ang mga bungang-kahoy sa ilustradong bersyon ng Genesis kung saan namumukadkad ang makukulay at mahahalimuyak na mga bulaklak sa bawat pulgada ng malusog na lupang nadadaanan ng Panginoon. Buhay ang bawat eksena sa isipan kong mahilig sa pantasya na madalas ay nahihilig din sa Siyensiya lalung-lalo na sa usapin ng Biolohiya. Siguro ay tumataas ang kilay ng tatay kong naniniwala sa analohiya, na ang Relihiyon ang opyo ng masa. Hindi niya ako pinatigil sa pagbabasa, nakita niya siguro ang aliw sa aking mga mata; iyong pagkalibang na makikita mo sa aking mukha kapag ako ay nagsusuyod sa mga hibla ng hinabing naratibo. Minana ko kay Papa ang pagiging mausisa sa mga bagay kaya sa edad kong sampu, ako ay mulat na hindi absolutong katotohanan ang aking binabasa. Iba ngayon si Papa, hindi siya kasinggaspang ng kanyang kalyo sa kanyang mga palad, matabang ang amoy ng kanyang Fortune pula, na laging nakakapit sa kanyang striped na kamiseta at sa buhok niya, na kapareho ng akin— inuuban at maalon ang pagkakulot. Sa ilang araw niyang pagbabantay sa ospital, siya ay mas nakikinig at hindi siya naririndi sa aking mga kwento. Laging bumubungad ang madadalang niyang ngiti at pinagbabalat niya ako ng dalandan at itlog ng pugo na ayon sa kanya, ay magpapayabong sa dugong mabilisang nilalamon ng mapanuklaw kong dengue. Maalaga siguro siya noong panahong ito dahil nasa bingit na ako ng pagkalusaw at inaakala niya sigurong dineklara na ng nasa itaas, ang natitira kong oras. Para itong panaginip na sobrang linaw ngunit mahirap ipaliwanag. Iyong tipo ng mga bangungot, na dumadalaw sa akin sa tuwing ako ay tinatrangkaso. Nasulyapan ko minsan sa mukha ni Papa iyong mukha ni Noah, noong nabatid nito ang binabalak ng langit. Namamayani ang amoy ng mga gamot sa ospital at ang malamig na hanging kinukumpas ng nakabigting bentilador sa kisame ng aming kwarto, na pintado ng matitingkad na imahen, sa bawat pader at sulok; parang bahaghari, nang humupa ang mapaminsalang baha na sumisimbolo sa Kanyang pangakong hindi niya na muling lilipulin ang mundo.