Palagi akong namamatay nang maaga sa mga dati kong buhay. Mula sa digmaang walang katapusan—na ako’y muling sinisingil. Kinukwenta ang mga kilometrong nilakad bilang binatang manlalakbay sa anino ng Arayat. Sinusukat ang mga minutong nanatiling tahimik, bitbit ang umiiyak na sanggol na nakakabit pa sa aking pusod, sa gitna ng pamomomba sa isang bayan sa Panay. Tinitiis ang mga pasa’t pasong balat na dumidikit sa sahig ng malamig na warehouse para lamang makita muli ang aking nag-aalalang inay. Dinukot, nahuli, nawawala ng 50 taon. Mula sa ama, sa anak, at sa hindi nagpapalit na mukha ng diktadurya. Palaging hindi nakapagpaalam nang maayos kahit kanino— lalo na sa’yo. Pero sa kinaumagahan nitong aking bago at murang buhay, sa kalagitnaan ng rally sa Mendiola, sa init na nanatili sa aking katawan, kasama ang mga manggagawa’t magsasaka, ako’y muling gigising— pigtang-pigta sa pawis mula sa mga bangungot ng nakaraan. Mula rito, malutong na liliyab ang aking takot at kaba sa oras na ipakain ko ito sa apoy mula sa kanayunan. Aaralin ko muli ang lipunan sa aking mga bagong mata at pupukawin ang umiidlip na isipan. Tuntunin ang pugad natin sa gubat—ang ating pagkikilos. Hahalikan ang pinakabunganga ng batis. Titikman ang matamis na lasa ng mga maliliit na tagumpay. Malinaw rito, sa likod ng kasukalan, ang mga yapak ng aking nakaraang diwa—ang pagkadalubhasa sa agos ng panahon at buhay. Lalakbay ako na armado lamang ng mga titik at salita hanggang ang mga mabubuo nitong kahulugan ay magiging sa iyo.