A.L. Sarino, Taguig City Si A. L. Sarino ay isang estudyante mula sa Mataas na Paaralan ng Pilipinas para sa Sining. Malikhaing Pagsulat ang kanyang piniling larangan ng sining na pagdalubahasaan. Nagsisilbi rin siyang general editor sa The Trailblazer Literary Magazine at kasapi ng in-house team ng Erato Magazine.



Kung Paano Mangumpisal


Issue No.7
Patawarin ang albularyo,
            sabihin na baka ang
kanyang danas ay
            sapat na rason.

Patawarin ang anito,
            masdan ang kanyang
kayumangging balat
            na kawangis ng iyo.

Tignan ang kanyang
            pag-upo at tanungin
ang sarili kung
            nararapat siyang
            sambahin.

Patawarin ang dugo ng
            isang tupa, na natuyo
sa isang puting trapal.

Pagbigyan ang mga
            ngiping nangitim.
Pagbigyan ang
            mga kamay na
hindi makayakap.

Pagbigyan ang mga
            sundalong itinaas ang
kanilang mga baril
            tungo sa kulay-abong
            langit.

Pasensyahan ang mga taong
            tumingin pataas ng isang
beses at hindi na muli.

Pasensyahan ang tila
            pa-irap na paglaho ng
araw. Pasensyahan ang
            mga mata na anino lang
ang nakikita. Ang mga
            lalaking pinalilibutan ang
mga babae ng kanilang
            silweta.

Ipawalang-sala ang mga
            paang hindi nahugasan.
Ika nga nila na ang dumi ang
            nagsasabing nararapat
silang maging itim.

Ipawalang-sala ang mga
            katawang tinakpan.
Sabihin na ang hugis
            ng tela’y nilalantad
ang kamangmangan ng
            tauhan.

Ipawalang-sala ang
            mga birheng hindi
dumugo sa kanilang
            unang gabi.

Patawarin ang sarili; ang mga butas
            sa iyong mga palad. Ang mga
pagkakataong sinisilipan mo ito,
            para lang makita ang puting
mga mata ng isang bulag na
                                              ―bata.