Brixter Tino, Perez, Quezon Tubong Perez, Quezon, si Brixter Tino ay kasalukuyang kumukuha ng Journalism sa PUP – Sta. Mesa. Kinilala ang kaniyang mga tula ng Gawad Maningning Miclat at sanaysay ng Gawad Rene Villanueva. Nailathala na rin sa Philippine Collegian, Kasingkasing Press at iba pang zine’t antolohiya. Bahagi siya ng Batch Dinig ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA).



Pakpak ng Balita


Issue No.5
Nahulog ang oras sa bangin tulad ng saranggola kong puti. 
Hindi ko na muli pang mababawi, Umupo na lang ako sa gilid at nag-isip. 
Ang oras ay para sa pagmamasid. O pagpikit. Ano bang dapat 
Kong maging? Sabi ng magulang ko: Abogado 
Na kasal sa isang manedyer. Sabi ng bangin: Waa... laa...kaang 
Maa...raa...raa...tiiing. Ngunit may mga sandali ring tahimik ang lahat. 
Hanggang isang araw, may mga pares ng pakpak ang bumungad 
At nagpalutang-lutang sa aking harap. Tanging mga pakpak 
At walang katawan. Maliliit subalit humahangos sa liwanag 
Ang pagkasarikulay. Sigurado ako: hindi na ako patatahimikin 
Ng kanilang pagkampay. Tila muli’t muli silang sumusuot sa aking kaliwang tainga 
Upang tumakas din pagkaraan sa kabila. Matutulad ako sa saranggola 
Sa pag-ikot at pag-alagwa sa paghahabol sa kanila patawid sa mga ibayo 
At mas matatarik na bangin. Ganito ko malalanghap 
Ang hininga ng araw ─ sa pagpapaimbulog sa alanganin.