Abot-kamay natin ang mga kuwento Sa balumbon ng balitang kumakalat, nananabog, o parang mumo Sa mga pagitan ng ngiping nginata't Nilantak sa hapag ng selpon, nagluluwal Ng mga kalatas na nag-uugnay sa lipon ng tsismis Tsismis na kung kumalat ay Lumulundag-lundag tulad ng palakang echosera Papasa-pasa tulad ng makulit na butete Na kung humirit sa paglangoy ay ubod ang harot, Harurot at pilantik tulad ng kumekendeng na dila Abot-kamay natin ang mga katotohanan Sa paraang nasa sa atin ang tunay Sa mapanganib o sa maingat Sa masiyasat o mababaw Masakit sa matang mamataan ang tsismosang Kung umawra'y suot-suot ang daster sa bangketa Dahil walang kiber na iboboka ang binaluktot Na mga naratibo ng kahindik-hindik na baho ni kuwan O ng kung sinumang nais nilang pagtripan Habang bitbit ang walis hindi para sindakin Ang alikabok, hindi ang mga natuyong dahon Kundi gawing panabing sa mga nakaukit Na langib ng kahapon Habang namumualan sa nakakapaniwalang Kabulaanang pinulutan sa bangketa O sa labas ng tarangkahan ng kababawan O sa panghihimasok para lang bigyang-pansin ang patsada Hawak ba talaga natin ang tunay Na pag-iral ng pagkatunay O baligho maituturing ang lahat, ang kaalamang pinakialaman Na parang dumadagdag na lang tayo sa pagpatong ng kalituhan? Sinipit tayo ng tsismosa, sinampay para mabilad ang kinuskos na bantot, Sa baligho’t pagkasaysay, ng pag-asa Para hindi na muling hukayin pa sa lalim Ang dunong na nakatakdang abutan ng taning Sa ating mga lilim—nagiging misteryo o lihim