Noel Galon de Leon, Guimaras Island/Iloilo City Taga-Guimaras si Noel Galon de Leon na founder at publisher ng Kasingkasing Press. Kasalukuyan siyang nagtuturo ng Filipino at Malikhaing Pagsulat sa UP Visayas. Nagkamit ng pagkilala sa Carlos Palanca ang koleksyon niya ng tula noong 2018 na may pamagat "Ang Bata sa Panahon ng Ligalig: Mga Tula sa Loob at Labas ng Bayan ng San Diego." Sanday Tay Alib kag Tay Amar ang una niyang librong pambata sa wikang Hiligaynon.



Hinggil sa Kalayaan


Issue No.5

Ito ang itatanong sa atin ng batang makasasalubong sa hinaharap: paano ang maging malaya? Agad nating kakalkalin sa alaala ang nabinbing pangako ng Diyos sa lupa. Uusisain ang sarili: paano nga ba ang maging malaya? Malabo ang ihahain ng memorya, pangamba ang mamumutawi sa mata. At katulad ng payo ng pilosopo: kaninong kabuluhan nakasandig? Hindi na ito mahalaga. Kapag nasalubong ang bata bukas o sa mga susunod na araw, at tangkain nitong siyasatin ang lahat ng hinggil sa kalayaan. Ipakikita ko sa kaniya ang lamat sa mata, ang bitak sa palad, ang tahi sa pumutok na labi, maging ang naligaw at nagkalat na pag-asa sa teritorya. Ipaaalala ko sa bata na ang tunay na paglaya ay higit pa sa salita. Abutin man ng alinsangan at hatinggabi sa lansangan, ang tunay na paglaya ay sumasaksi sa lihim, tumututol sa lasong ipinasususo sa sarili’t kaaway.