Tresia Siplante Traqueña, Quezon City Si Tresia Siplante Traqueña ay nagtapos ng Senior High School sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas at kasalukuyang kumukuha ng Batsilyer sa Edukasyong Filipino sa Philippine Normal University. Isa siya sa pinakabatang miyembro ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo. Ang ilan sa kaniyang mga tula ay nailathala sa Aklas (The Torch Publications), Baga Mga Piling Tula mula sa LIRA Fellows 2018, Philippines Graphic, at The Sunday Times. Bukod sa pagsusulat, nahihilig din siya sa memes at pagkuha ng retrato at kasalukuyang hinahangad na maging part-time photographer (IG account: @tresiatraquea). Naniniwala siyang walang marupok na hindi umiibig.



Dalawang tula


Issue No.1

Sugat

Sa sandaling masugat
Ay huwag kang mababahala.
Huwag nang mag-abalang
Kumuha ng kahit ano
Para takpan at pigilin
Ang pagdurugo.
Kabisado ko
Ang bawat bahagi
Ng akin.
Hayaan mong umagos
Ang sariling dugo
Sa gilid
Para kusang
Maghilom.
 
 

Salamin

Sa salamin,
Sinasalat ng titig
Ang parteng tinitingnan
Ng lahat.
Para paulit-ulit
Na may hanapin.

Malinaw sa akin
Ang hindi makita ng iba.
Ngunit masigasig sila
Sa paghahanap
Ng mga bagay
Na hindi ko makuha.