Asin
Ang sabi ni Nanang, bawat butil ng asin na natatapon at nasasayang ng isang tao'y kailangan niyang pulutin pagsapit niya sa purgatoryo. Ngunit tiyak ko rin sa lasa pa lamang ng aking luha, pawis, at dugo, magpupulot ako ng asin. Sa pagpapagal ko, siguradong sa kabuuan ng aking buhay, ang aking malilikom sa aking luhang iniluha, pawis na ipinawis, dugong idinugo'y sapat na asin upang magdanggit at daing ng isdang makakain sa pansamantalang pananatili sa purgatoryo.
Ngunit paano silang nagpadugo't naghasik ng dugo? Silang dahil sa pawis ng iba'y hindi kinailangang pawisan? Silang nagpaluha nang nagpaluha sa danggit lang ang mauulam? Sila'y sa purgatoryo na mabuburo! Walang puknat na magpupulot ng asin sa ilalim ng tirik na araw na magpapatagaktak ng pawis, magpapaluha ng mga mata't magpapadugo sa mga hiwang latay sa kanilang likod. Lahat ng mga pagpatak na ito'y muling magdadagdag ng butil sa kanilang pupulutin. Sakaling matapos ma'y guguho ang kinatatayuan nila dahil sa bigat ng asin at saka bubulusok pababa. Bubulwak muli ang asin na kanilang kailangang pulutin.
Huling Hapunan
Pinagputol-putol at ibinigay niya sa labindalawa. Sinabi niya: Kunin niyo, kainin niyo. Ito ay aking katawan. Kinuha niya ang baso at ibinigay sa labindalawa. Sinabi niya: Uminom kayong lahat. Ito ay ang aking dugo. Nakasara ang lahat ng pinto't bintana, ang tanging liwanag mula sa gasera'y aandap-andap sabay sa panginginig ng labindalawang batang nakayakap sa ina. Napaupo ang lahat sa parisukat na papag nilang mesa, salas, at higaan. Chop-chop na ama ang nakahapag.