Tresia Siplante Traqueña, Quezon City Si Tresia Siplante Traqueña ay kasalukuyang guro sa Senior High School. Naging miyembro ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) taong 2019. Ang ilan sa kaniyang mga tula ay nailathala sa Aklas (The Torch Publications), Ani 41, Baga: Mga Piling Tula mula sa LIRA Fellows 2018, Balaraw: Mga Tula at Dagli sa Panahon ng Pandemya at Pasismo ng SWF UP Diliman, Philippines Graphic, at The Sunday Times. Ang kaniyang kauna-unahang koleksyon na Lansangan at iba pang tula ay nailathala noong 2023 ng PUP SPMF- IPR-Copyright, Editing, at Produksyong Pampanitikan.



Ang pilat sa aking dibdib


Issue No.9
Sa may breast cancer
May mga gabing 
tulad nitong kinakapa 
mo sa dilim
sa ilalim ng kumot
ang aking pagkababae
pero walang umbok 
na hinuhugisan
ang mga kamay mo.
Gaya nang haplusin mo 
ang tiyan ko nang pinagbubuntis 
si bunso.
Walang gatas,
ika ko.
Wala kang masisipsip,
Hindi na rin tatayo 
kapag tinatayuan ka. 
Tumawa ka.
Makinis ang mga pilat.
Hindi ko na kailangan mag-bra.
Pwede tayong sabay na maghubad
Kapag magtatampisaw gaya 
Nang una nating alaala ng pagsusuyuan 
Sa dagat sa Bataan. 
Napangiti kita.
Naramdaman ko 
sa gilid ng tainga 
ang pagtakas 
ng hininga mo.
Ang sabi mo, 
gusto ko ito:
malapit ang mga daliri ko
sa puso mo.

Dalawang tula


Issue No.1

Sugat

Sa sandaling masugat
Ay huwag kang mababahala.
Huwag nang mag-abalang
Kumuha ng kahit ano
Para takpan at pigilin
Ang pagdurugo.
Kabisado ko
Ang bawat bahagi
Ng akin.
Hayaan mong umagos
Ang sariling dugo
Sa gilid
Para kusang
Maghilom.
 
 

Salamin

Sa salamin,
Sinasalat ng titig
Ang parteng tinitingnan
Ng lahat.
Para paulit-ulit
Na may hanapin.

Malinaw sa akin
Ang hindi makita ng iba.
Ngunit masigasig sila
Sa paghahanap
Ng mga bagay
Na hindi ko makuha.