may mga araw na ako'y nakakahinga nang malalim. ngunit paminsan-minsan, napipilitan akong magpinta ng mga bulaklak sa aking katawan. mumunting amarilyo sa kaliwang palad: iilang minuto't nawasak ko ang hugis ng tangkay nito sa mga mahihigpit na ungol at labis na pagkikislot ng mga mata. upang pagtakpan ang mga depektong ito, betadine na itinago sa aparador ang ipinangkulay ko sa mga talulot nito. dahlia sa bisig: napagtanto kong malapít-lapít ang bughaw na kulay nito sa lilang tingkad ng pasâ sa braso. subalit, mahahaharap ang angking dami ng mga talulot na kakailanganing mailarawan. nakaubos ako ng tatlong oras sa pagpipinta. dama de noche sa hita: ako'y huminga lámang at ang hugis niya'y namuo. tatlong araw upang iukit ito gámit ang kanang kamay, at binigyan ko ang bulaklak ng anim pang mga kasama.
minsa'y nais ko nang huminto. may maliit na boses sa utak ko na nagdidisenyo pa ng mga bulaklak. may mas maliit pang boses na nagtatangkang magtanim ng mirasol sa aking leeg.