Romalyn Ante, Wolverhampton, UK Romalyn Ante is a Filipino-British, Wolverhampton-based, poet, essayist, and editor. She is the author of the debut collection Antiemetic for Homesickness (Chatto & Windus, 2020). She was recently awarded the Jerwood Compton Poetry Fellowship.



Liwanag ng London


Issue No.6
Mahal, maningning ang London.  
Ang River Thames sa tapat ng Westminster Palace
ay tila kalangitan sa gabi – nagkikintaban,
animo’y pinilakang balahibo ng mahiwagang adarna.

Ang mga sinaunang gusali, kay tatayog, kay lalapad.
Mga arkitekturang ladrilyo ay mamula-mula
at malabnaw na gatas – singgara ng mga bulaklak 
na bato sa ilalim ng dagat ng San Juan.

Mahal, walang bitak ang mga daan ng London.  
Ang mga pulang bus ay kay kikinis ng takbo,
at ang bintana’y walang isang ukit ng alikabok,
sumasalamin sa mga bilugang ilaw ng mga gusali.

Ang labas ng Harrods na kumukupkop 
sa rebulto ni Princess Diana at Dodi 
na nagtatampisaw sa tansong agos
ay pagkarangya: saklob ng mga bumbilyang 

tila sansinukob na alitaptap – may mga bandera 
ng iba’t-ibang bansa, iniuugoy ng simoy 
ng nagtagpong Taglagas at Taglamig,
yaring simoy na tumutuyo sa gamot-pawis ko,

pinapalitan ng halimuyak ng matcha at sigarilyo,
at mga siksik na halakhak-kalye. Ngunit ang totoo, 
Mahal, madilim ang langit ng London. 
Malamang dahil makislap na ang lupa. Sabi ng iba,

walang panglaw ang ’di masisilaw ng London. 
Ngunit, nang tingalain ko ang Victoria Memorial, 
ay lumagpas ang aking tanaw sa ginintuang buka
ng mga pakpak-estatwa. Hinahanap ko ang liwanag

na tanglaw mo sa ating munting dampa – 
kung saan tayo nagbabangi ng mais
at namamapak ng mangga’t bagoong-isda –
iyong ating buwan na laging kinukubli 

ng mga ulap ng London.

Paglimot


Issue No.2
At kahit isumpa mo ang bulkan sa hilaga
hindi ko pa rin maaalala ang iyong mukha.
At kahit hanguin mo ang mga bituing itinapon
ng mapanghimagsik na ulap ng kahapon,
hindi ko pa rin mababakas ang amoy
ng kapeng barako na iyong pinapakuluan
sa kalawanging kalan t’wing bukang-liwayway.
Palagi ka na lang abot-tanaw, sinusuyo
ang langit na kulay ube at makopa,
hinihintay ang papel na magdadala sa ’yo
sa kabilang bayang nagsisiksikan sa kislap.

Hindi mo ba alam? Nalimot na rin kita—
at duon sa dampa ng pangako at pagbibiro
kung saan pinabayaan kong tangayin ng hangin
ang burdado kong panyo, aking napagtanto
ang pagkakaiba ng kabutihan sa pagsuyo.
Ang mga dahon ng bayabas na nakapagpagasgas
sa bango ng iyong tinig ay pinagsisilaban ko na.
At ang bangko sa kanlungan ng kamatchile
kung saan mo ginigiling ang mga butong-kape
ay naaagnas na. Pawang mga ipot ng ibon at manok
na lang ang nagpapaningning sa kawayang marupok.