Ang Bigat na Kaya Nilang Dalhin
Malayo pa lang, batid na naming tig-isang pawisang timba ang itinaas nina Tita Baring, Tito Boy. Limang pilapil ang itinawid nila para umigib ng tubig Nawasa. Kanina pa kami naghihintay ni Nannette. Naninilaw na ang mga mata namin sa kapapaligo sa tubig-poso. Pati damit, pati ngipin. Dilaw. Inggit na inggit na kaya nilang balansehin ang bigat na kaya nilang dalhin. Nang malapit-lapit na, nabawasan ang aming saya. Kalahati na lang pala ang tubig sa timba. Basa rin ang mga buhok nila. Nahimalusan ang mga mukha Dumilim ang mga damit. Walang mas mabuti pang gawin kundi bumalik sa pamumulot ng nangalaglag na aratiles. Maghintay sa lilim, manginain at huwag ipahalatang mapakla ang mangilan-ngilang bungang pulang-pula.Hindi Mailatag-latag
Carabao Island
Mahirap magtapang-tapangan at magpigil sumuka, bumigay sa pagkaliyo sa dagat na itim na kubre kamang hindi mailatag-latag nang maayos, patuloy na pinapagpag, lumalapad, lumalawak gaya ng kadiliman. Humahampas ang mga alon, minumumog ng sungki-sungking bato sa gilagid ng aplaya, pinakikislap. Bawat pagsalpok, pagbanlaw pinalilitaw ang mga hugis na hindi kayang ilarawan ninoman, noon pa man. Hindi ko maiuwi ang mga harayang ito. Hindi ko na mababawi ang tapang ngayong biglang naging matarik na pader ang alon, tumataas at hindi maaakyat. Patuloy lang ang paghampas ng dagat sa mga paa, binti. Nakangingilo ang lagaslas. Minsan may atungal na maririnig, o baka paghuni, sumisipol ang hangin, nagsusumamo humihiling ng kung anong panalangin, kung anong kayang ibigay ng sikmura o ng bangka.Bago Kita Ihatid Mamaya
Binagalan ko ang paghubad ng damit. Bahagya lang ang pagpihit ng gripo. Pinilit ang sarili na hindi mag-ingay. Para maisaulo ko ang bawat pagkaluskos ng backpack na kagabi mo pa sinisidlan ng pang-isang linggong damit. Para marinig kong naiinis ka dahil hindi man lang ako tumulong. Para tahimik kong mapakinggan kung may bigat ang bawat yabag mo. Itinapat ko ang kanang kamay sa tubig na kanina lang, malayang pumupuno sa timba. Sumumpa akong tagalan pa ang pagligo bago ikaw. Bago kita ihatid mamaya. Ipinaalala ko rin sa sariling huwag madulas banggiting maligamgam na ang tubig. Na hindi mo na kailangan pang pakuluin ang takure.